Karumal-dumal na pagpatay sa lalaki nalutas dahil sa google street view!
ISANG misteryosong kaso ng pagkawala at brutal na pagpatay ang nalutas sa maliit na bayan ng Tajueco sa Spain, sa tulong ng Google Street View.
Naaresto ang isang babae at ang boyfriend nito matapos ang imbestigasyon ng pulisya na nagsimula noong Nobyembre 2023. Ayon sa report, isang 33-anyos na lalaki mula Cuba ang naiulat na nawawala matapos itong magpadala ng kahina-hinalang text message sa kanyang pinsan.
Sa text, sinabi nito na siya’y may nakilalang babae, hindi na gagamit ng parehong cell phone number at magpapakalayo na. Naghinala ang pinsan na hindi siya mismo ang nagpadala ng mga text na iyon kaya’t agad itong lumapit sa awtoridad.
Ilang buwan ang lumipas, napansin ng mga imbestigador ang isang larawan sa Google Street View na nagpapakita ng isang lalaki na naglalagay nang malaking bag sa trunk ng isang kotse. Ang lalaki ay nakasuot ng asul na jacket at jeans habang may tinutulak na wheelbarrow kung saan nakapatong ang hinihinalang katawan ng biktima. Bagama’t hindi ito ang pangunahing ebidensiya, naging mahalaga ang mga larawang ito upang imbestigahan ang mga suspek.
Ang Google Street View ay isang feature sa Google Maps na nagpapakita ng 360-degree na imahe ng mga kalsada at lugar gamit ang mga litrato mula sa camera-equipped cars. Tumutulong ito sa navigation, trip planning, at exploration.
Ang biktima, na kinilala lamang sa mga initials na “J.L.P.O.”, ay nagtungo sa Tajueco upang makipagkita sa kanyang girlfriend. Natuklasan niya roon na mayroon na itong bagong karelasyon. Ang sitwasyong ito, ayon sa pulisya, ay maaaring humantong sa karumal-dumal na krimen.
Noong Disyembre 11, natagpuan ng mga awtoridad ang na-chop-chop na katawan ng biktima sa isang sementeryo sa kalapit na bayan ng Andaluz, mga anim na milya mula sa Tajueco. Bagama’t naaagnas na ang katawan, patuloy na hinahanap ang iba pang bahagi nito.
Ang babaing kasangkot ay kinilala bilang dating kasintahan ng biktima, samantalang ang kasalukuyan nitong karelasyon ay kilala sa Tajueco bilang si “The Wolf,” isang 48-anyos na dating may-ari ng bar. Ang dalawa ay nakakulong na at nahaharap sa mga kasong pagkidnap at pagpatay.
Hindi ito ang unang pagkakataon na naging instrumento ang Google Street View sa paglutas ng krimen. Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, nananatiling palaisipan kung paano at kailan isinagawa ang brutal na pagpatay at ang eksaktong koneksiyon ng mga suspek sa biktima.
- Latest