EDITORYAL — Daming nagiging Mary Jane Veloso
UUWI na ngayong araw na ito si Mary Jane Veloso makaraan ang 14 na taon na pagkakakulong sa Indonesia dahil sa drug trafficking. Itinuturing na “himala” ang pagkakapauwi kay Mary Jane at sinabi rin niya ito mismo sapagkat kamatayan ang naging hatol sa kanya noon ng Indonesian court. Naibaba sa habambuhay na pagkabilanggo ang hatol dahil sa mga iniharap na ebidensiya na naging biktima siya ng illegal recruitment. Ngayon, makakapiling na niya ang mga mahal sa buhay at makakapagselebreyt ng Pasko. Mananatili naman siya sa Correctional Institute for Women batay sa kasunduan ng Indonesia at Pilipinas. Ganunman, may karapatan ang Presidente ng Pilipinas na patawarin si Veloso.
Kung bibigyan ng kapatawaran ng Presidente si Veloso, mas malulubos ang kanyang kasiyahan at ganundin ang kanyang mga mahal sa buhay lalo ang kanyang dalawang anak na maliliit pa nang iwan niya para magtrabaho sana bilang maid sa Malaysia. Single mother si Veloso. Nakatapos lamang siya ng high school.
Dati na siyang overseas worker sa Dubai noong 2009 subalit napilitang umuwi makaraang pagtangkaang gahasain ng amo. Noong Abril 2010, ni-recruit siya ni Maria Cristina Sergio para magtrabahong maid sa Malaysia. Nagbayad siya ng P20,000 kay Sergio bilang recruitment fee. Nang dumating sa Kuala Lumpur, sinabi ni Sergio na hindi na available ang trabaho subalit mayroon namang opening sa Indonesia. Ipinag-shopping siya ni Sergio ng mga damit para sa pagtungo sa Indonesia.
Ipinakilala siya ni Sergio sa isang African na nagngangalang “Ike”. Si Ike ang nagbigay ng tiket sa eroplano at isang cell phone. Bilin ni Ike, tawagan siya pagdating sa Indonesia. Nagtungo si Veloso sa Indonesia noong Abril 25, 2010. Pagdating sa airport sa Indonesia, nakuha ng Immigration authorities sa kanyang baggage ang 2.6 kilo ng heroine.
Doon na nagsimula ang kalbaryo ng buhay ni Veloso sa kulungan hanggang sa hatulan siya ng kamatayan sa pamamagitan ng firing squad. Nahuli naman ang kanyang recruiter na si Sergio at ang kasabwat na si Julius Lacanilao. Sinentensiyahan sila ng habambuhay na pagkabilanggo ng Nueva Viscaya Regional Trial Court noong Enero 2020.
Ang nangyari kay Veloso ay maaring mangyari rin sa ibang Pilipino na sa pagnanais maiahon sa kahirapan ang pamilya ay ninanais magtrabaho sa ibang bansa. Ang masaklap, nabiktima si Veloso ng kababayang illegal recruiter. Hanggang ngayon, marami pang buwitreng recruiter na nambibiktima. Ang mga ito ang dapat bitagin ng pamahalaan. Hangga’t narito sila, maraming mapapahamak. Mag-ingat din naman ang mangingibang bansa.
- Latest