EDITORYAL — Sayang ang NFA rice kung mabubulok lang
KUNG sa mga restaurant at fastfoods ay maraming nasasayang na kanin, mas marami ang masasayang sa National Food Authority (NFA) kapag hindi nakagawa ng hakbang ang pamahalaan. Nasa anim na milyong sako ng bigas sa NFA ang mabubulok kapag hindi naipamahagi. Gaano karaming bibig ang mapapakain ng ganito karaming bigas. Gaano karaming bituka ang mapapatahimik ng ganito karaming bigas kapag naisaing? Tiyak marami ang mapapasaya.
Sinabi mismo ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na napakaraming nakaistak na bigas sa NFA at kung hindi madi-disposed ang mga ito, tiyak na mabubulok lamang. Matagal na umanong nakaistak ang anim na milyong sako ng bigas at maaaring mabulok na ang mga ito.
Payo ni Tiu Laurel, gumawa ng batas ang mga kongresista na papayagan ang NFA na maibenta ang mga nakaistak na bigas sa palengke. Kung maibebenta sa mga palengke, maraming tao ang makikinabang. Ibenta umano ito ng NFA sa murang halaga upang maabot ng mga mahihirap.
Halos ganito rin ang payo ni Agriculture Assistant Secretary at spokesman Arnel de Mesa na kailangang magkaroon ng kalayaan ang NFA na maibenta sa mga palengke ang nakaistak na bigas. Magkaroon aniya ng batas na papayagan ang NFA na maibenta ang bigas sa murang halaga. Ayon pa kay De Mesa, maaring maibenta ang NFA rice ng P30 per kilo. Nawalan daw ng kapangyarihan ang NFA mula nang ipatupad ang Rice Tariffication Law (RTL). Dahil sa RTL, nawala ang regulatory powers ng NFA sa pagdi-disposed ng bigas. Pinapayagan lamang umano ang NFA na ibenta ang kanilang stock sa Department of Social Welfare and Development, Office of Civil Defense at local government units (LGUs).
May katwirang mangamba si Secretary Tiu Laurel sa maraming bigas na nakaistak sa NFA dahil ayaw niyang may masayang. Kamakailan, sinabi niya 300,000 metriko tonelada ng bigas ang nasasayang taun-taon. Maghahain daw siya sa Kongreso ng panukalang batas na papayagang mag-serve ng kalahating cup ng kanin sa mga restaurant at fastfoods. Napakarami aniyang nasasayang dahil umo-order nang sobra-sobrang kanin ang mga customer pero hindi naman inuubos at tinatapon lamang sa basurahan. Ayon pa sa DA Secretary. panahon na raw para maging responsible ang mamamayan upang hindi masayang ang kanin.
Ang kasagutan o solusyon para hindi masayang o mabulok ang NFA rice ay nakasalalay sa mga mambabatas. Magpasa ng batas na hahayaan ang NFA na maibenta ang kanilang rice stock sa mga palengke sa murang halaga. Kaysa masayang lamang ang mga ito, mapakinabangan na ng mamamayan.
- Latest