Bagong technology sa pagtatanim ng marijuana
Nabatid ng National Bureau of Investigation-Cordillera (NBI-CAR) na umaangkop na sa mga makabagong teknolohiya ang pagtatanim ng marijuana.
Ito ay makaraang madiskubre ang taniman ng marijuana sa Sitio Asob-Lanikew, Bgy. Tacadang, Kibungan, Benguet. Ni-raid ng NBI sa pamumuno nina Regional Director Diosdado Araos, Asst. Regional Director Darwin Lising at Special Investigator Andrew Bacayan ang taniman ng marijuana. Ayon sa kanila, hindi umano malawak ang taniman at hiwa-hiwalay ang mga ito.
Ayon pa sa NBI, mahirap makita ang mga marijuana sa pamamagitan ng drone dahil nakakubli sa mga karaniwang halaman sa lugar. Napag-aralan na rin ng mga nagtatanim ng marijuana ang makabagong equipment ng mga awtoridad upang mapabilis ang pagtukoy sa mga plantasyon.
Plano ng mga nagtatanim ng marijuana na gawing mobile agriculture ang pagtatanim upang mailipat-lipat sakaling may isasagawang raid ang mga awtoridad.
Nadiskubre rin ng NBI ang paggamit ng mga nakakubling water impounding techniques at improvised water collecting facilities para sa pandilig, paggamit ng abono at pestisidyo upang mapabilis ang paglaki ng marijuana.
Sa pagkadiskubre ng bagong estilo ng pagtatanim ng marijuana sa Benguet, dapat paigtingin pa ng NBI ang kanilang kampanya laban dito. Kung hindi kikilos ang NBI, yayabong pa ang kaalaman ng marijuana planters at tiyak na maiiwan sila sa kangkungan.
* * *
Para sa komento, i-send sa: [email protected]
- Latest