Sinong traydor ang namigay ng mga minahan sa Chinese
NI-RAID ng mga awtoridad nu’ng Oktubre ang dalawang ilegal na minahan sa Homonhon Island, Guiuan, Eastern Samar.
Maraming taon nang nagmimina ng nickel at chromite ang pag-aari ng Chinese na Rockstar Contract Solution Inc. at Global Min Met Mining Co. Binabarko ang ore sa China para gawing sandata at surveillance equipment na pam-bully sa Pilipinas.
Kasapi ang mga Chinese sa transnational crime syndicate, anang Presidential Anti-Organized Crime Commission. Banta sila sa kalikasan at pambansang seguridad.
Dinakip ng PAOCC sina Ning Yang, Bo Yang, Xiaodong Yang, Yan He, Zhiye Li, Xiaotao Liang, Jianshe Zhang, Liang Zhang, Yongxin Xu, Zhen Wang, Zhongyin Liu, Bin Liu, Chenhui Liu. Pina-deport sila dahil sa paglabag sa batas pangkalikasan, paggawa, at pagbu-buwis.
Nilantad ko nu’ng Feb. 2019 si Yan Ming, Chinese na dalawang beses nagdala ng mga armadong sibilyan sa Homonhon. Inaagaw ni Yan Ming ang minahang Tech-Iron Resources. Tinakot nila ang mga taga-Brgy. Canawayon at Casiguran. Nagpulasan ang mga bata sa paaralan, nagsara ng pinto at bintana ang mga bahay at tindahan.
Padrino ni Yan Ming ang isang heneral sa panguluhang Rody Duterte.
Mga sundalo umano ang mga armadong naka-sibilyan. Parang heneral nila kung mag-utos ang Chinese na si Yan Ming.
Tumaggi ang Army magpaliwanag sa media. Tikom ang bibig ng Comelec, maski nangyari y’un sa panahon ng Halalan 2019 firearms ban.
Nasa estratehikong mataas na pook ang mga minahang Chinese. Tanaw nila ang Pacific Ocean at Benham Rise. Inaangkin ng China ang Benham; sila raw ang unang nagpangalan sa limang lubog na bahura roon.
- Latest