UMak, nagniningning sa Global Stage; Makati, handa sa ligtas na kapaskuhan
Isa na namang magandang balita!
Kamakailan, pinarangalan ang University of Makati (UMak) sa napakahalagang tagumpay nito. Natanggap ng UMak ang prestihiyosong “Local to Global” Award bilang pagkilala sa matagumpay nitong paglipat mula sa lokal na kasikatan patungo sa global na tagumpay sa hanay ng mga Local Universities and Colleges (LUCs). Ang award na ito ay patunay sa dedikasyon at pagsusumikap ng ating unibersidad na makilala hindi lamang sa bansa kundi pati na rin sa pandaigdigang entablado.
Bukod dito, nakatanggap din ang UMak ng Certificate of Recognition para sa pagiging isa sa 20 SUC/LUCs mula sa 323 NCR Higher Education Institutions (HEIs) na nakatanggap ng ranggo sa mga prestihiyosong international rankings tulad ng THE, QS, WURI, at iba pa. Tunay na inspirasyon ang ating tagumpay para sa lahat ng nasa akademya.
Hindi pa dito natatapos ang magagandang balita!
Ang UMak ay itinanghal na 6th top-performing school sa kamakailang Licensure Examination for Nurses na may passing percentage na 98.4% (62 sa 63). Bukod dito, mayroon tayong graduate na pumuwesto bilang 9th placer sa naturang pagsusulit.
Dagdag pa rito, patuloy na pinatunayan ng UMak ang kahusayan nito sa larangan ng engineering. Sa November at December Licensure Examination for Civil Engineers, ang UMak ang best performing school sa lahat ng Local Universities and Colleges (LUCs) na may first-time takers passing percentage na 71.43% at overall passing percentage na 66.67% (18 sa 24). Mas mataas ito nang higit doble kumpara sa national passing rate na 37%. Ang tagumpay na ito ay naglalarawan ng mataas na antas ng paghahanda at kalidad ng edukasyon na ibinibigay ng ating unibersidad.
Ang mga tagumpay na ito ay hindi lamang bunga ng sipag at tiyaga ng ating mga mag-aaral kundi pati na rin ng dedikasyon ng ating mga guro, administrador, at kawani na patuloy na nagbibigay ng de-kalidad na serbisyo sa edukasyon.
Sa lahat nang bumubuo ng UMak, ipagpatuloy natin ang paggawa ng makabuluhan at positibong pagbabago para sa ating komunidad at sa buong mundo. Mabuhay ang UMak!
***
Inatasan ko ang Makati Philippine National Police (PNP) na paigtingin ang kanilang mga hakbang sa seguridad ngayong paparating na ang Kapaskuhan, lalo na sa Central Business District (CBD).
Bukod sa pagpapalakas ng presensiya at pagdaragdag ng mga pulis, sinabi ko rin sa Makati PNP na palakasin ang pakikipag-ugnayan nito sa pribadong sektor at mga opisyal ng barangay upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente, workers, negosyante, at bisita sa lungsod.
Pangunahing prayoridad ng lungsod ang kaligtasan at seguridad ng mga residente at iba pang stakeholders. Napakahalaga ng pagtutulungan ng pamahalaang lungsod at mga tagapagpatupad ng batas kasama ang pribadong sektor upang gawing ligtas at masiglang lugar ang Makati CBD, para mas mag-enjoy ang lahat at maging better ang selebrasyon ngayong Kapaskuhan.
- Latest