Prayoridad natin ang batang QCitizens
Bago matapos ang pagdiriwang ng National Children’s Month, inilatag natin ang mga nagawa at kinakaharap na mga hamon para maging ganap na child-friendly ang ating lungsod.
Malayo na ang ating narating pagdating sa ating mga inisyatibo para sa kapakanan ng mga bata sa ating lungsod.
Marami sa ating mga pagkilos, nais tularan ng ating mga kapwa lokal na pamahalaan. Talagang nakakataba ng puso na ginagawa tayong pamantayan.
Kabilang sa ating mga accomplishment ang epektibo nating paglaban sa Online Sexual Abuse and Exploitation of Children.
Ginamit natin ang mga natutuhan sa Anti-OSAEC Conference na ginawa sa ating lungsod noong nakaraang taon, para makapaglatag ng dagdag na pagkilos na layong tuldukan na ang suliraning ito.
Pasado na ang ating Ordinansa laban sa online sexual abuse at pagsasamantala sa mga bata.
Itinatakda nito ang mga pagkilos na saklaw ng krimen na ito, kabilang na ang pagkuha at pagpapakalat ng pictures at videos ng child sexual abuse, livestreaming ng sexual abuses at sextortion.
Mahigpit na ang ginagawa nating pagbabantay sa internet cafes at kiosks at regular na rin ang ating pakikipag-ugnayan sa National Bureau of Investigation, Department of Social Welfare and Development at Department of the Interior and Local Government para nagtutugma ang mga pagkilos at madaling mapapanagot ang mga sangkot.
Naipasa na rin ang Revised Children’s Code of 2024, kung saan isinama na ang mga napapanahong isyu tulad ng OSAEC at mental health.
Sa ilalim nito, inaatasan ang mga pribado at pampublikong establisimyento na gawing child-friendly ang kanilang mga lugar.
Nanumpa naman ang Child Representatives na magiging boses ng kabataang QCitizens sa loob ng tatlong taon nilang termino.
Kabilang na sila sa quarterly meeting ng Local Council for the Protection of Children para sa mismong kabataan na magmumula ang kanilang mga isyu’t problema at mga panukala nilang pagkilos kung paano ito mareresolba.
Binigyan din natin ng parangal ang mga barangay na may mga inisyatibong nagpapatibay sa hangarin nating gawing child friendly ang ating siyudad.
Bukod diyan, pumasok tayo sa kasunduan sa National Authority for Child Care (NACC) para matutukan at mapaigting pa ang mga programa para sa mga batang inabuso at inabandona ng pamilya.
Sa kasunduang ito, mahigpit na magtutulungan ang NACC at lokal na pamahalaan para masiguro ang kapakanan ng mga batang ulila, inabuso at inabandona para mabigyan ng permanenteng tahanan.
Malayo na nga ang ating narating, ngunit mahaba pa ang ating lakbayin. Pero sa pakikiisa ng QCitizens, tiwala ako na abot-kamay na natin ang pangarap na maging ganap na child-friendly city.
- Latest