Saging na naka-tape sa pader, naibenta bilang ‘artwork’ sa halagang $6.2 milyon !
Isang saging na dinikit sa pader gamit ang duct tape ang naibenta sa halagang $6.2 milyon (katumbas ng P350 million) sa isang auction sa New York. Itinuturing na ito ngayon bilang isa sa pinakamahal na prutas sa kasaysayan.
Ang kontrobersiyal na artwork na pinamagatang “Comedian” ay gawa ng Italian artist na si Maurizio Cattelan at unang ipinakita sa Art Basel Miami Beach noong 2019.
Sa kabila ng pagiging simpleng prutas na may tape, ito’y naging viral sensation at nagdulot nang matinding diskusyon sa mundo ng sining at social media.
Ang saging na ginamit para sa “Comedian” ay nabili lamang ng $0.35 (?20) mula sa isang fruit stand sa Manhattan bago ito dinikit sa pader gamit ang tape. Ngunit ayon sa Sotheby’s, ang auction house na nagpasubasta nito, ang tunay na halaga ng “Comedian” ay hindi nasa prutas mismo, kundi sa ideya sa likod nito.
Sa auction, pitong bidders ang nagpaligsahan para makuha ang “Comedian”. Mula sa paunang bid na $800,000, mabilis itong pumalo sa milyun-milyon sa loob lamang ng ilang minuto.
Kalaunan, napag-alaman na ang nakabili nito ay si Justin Sun, isang cryptocurrency entrepreneur at founder ng TRON platform.
Sa panayam kay Sun, sinabi nito na isang “cultural phenomenon” ang “Comedian”. Sinabi rin nito na plano niyang kainin ang saging para maranasan ang isang unique artistic experience.
Kasama ng “artwork”, nakatanggap ng certificate of authenticity si Sun na nagpapahintulot sa kanya na i-recreate ang “Comedian” gamit ang bagong saging kung sakaling makain niya ito o kapag nabulok ito.
- Latest