Dynasties kumokonti sa mundo, pero dumarami sa Pilipinas
Pinatalsik ng mamamayan ng Bangladesh si Prime Minister Sheikh Hasina. Napuno na sila sa kanyang pagka-awtokrata, tiwali at pagkanlong sa political dynasties.
Sa mga halalan sa India at Taiwan nitong 2024, isinuka ng mga botante ang political dynasties.
Sa ibang bansa kumokonti ang dynasties. Sa Pilipinas dumarami.
Inaral ni Ernesto Dal Bo nu’ng 2009 ang dynasties sa U.S. Congress. Nu’ng 1789-1858, 11 percent sila ng mga mambabatas. Bumaba sa 7 percent nu’ng 1966, at 6 percent ngayon.
Inaral ni Brian Feinstein nu’ng 2011 ang pagkonti ng dynasties sa mga bansang kumontrol sa abusadong pulitika, lalo na sa Latin America.
Inaral ni Dean Ronald Mendoza, Ateneo School of Government, ang dynasties sa lehislatura nang maraming bansa: U.S., 6 percent; Argentina, 10 percent; Greece, 10 percent; Ireland, 22 percent; India, 24 percent; Japan, 33 percent; Mexico, 40 percent; at Thailand, 42 percent.
Kinumpara niya sa Pilipinas: 75 percent nu’ng 2013 at 80 percent nu’ng 2019. Dumami pa!
Nu’ng 2022, sa 24 senador, nagkaroon ng mag-ina, magkapatid na buo, at magkapatid sa ama. Sa Kamara may magkapatid, maghipag, magbayaw, magpinsan. Pati party-lists ay dynastic.
Dalawang uri ang dynasties: “mataba” kasi sabay-sabay umuupo ang magkakadugo; “mapayat” o halinhinan.
Lumalala ang katiwalian dahil sa dynasties. Kinukubli nila ang pandarambong ng isa’t isa sa kongreso at local na posisyon.
‘Yan ang dahilan sa kawalan ng oportunidad, karalitaan, gutom, kamangmangan, baha, epidemya.
Panahon nang isuka rin ng Pilipinas ang dynasties. Nananawagan ng reporma ang Alyansa ng Nagkaka-Isang Mamamayan. Nasa ANIM ang mga retiradong heneral, pari, kabataan, kababaihan, propesyonal.
- Latest