EDITORYAL - Mga pulis na escort ng mga Chinese
Nararapat na talagang mawalis sa bansa ang lahat ng Philippine Offshore and Gaming Operators (POGOs) para matigil na ang ginagawang pag-eskort ng mga pulis sa mga Chinese na operator nito. Mula nang mag-operate ang POGO sa bansa noong 2017 sa panahon ni dating President Rodrigo Duterte, daming pulis ang nag-eeskort sa mga Chinese. Halos sa pag-eeskort o pagiging bodyguard na lamang sa mga Chinese inuubos ng mga pulis ang oras. At ang matindi pa, bukod sa sumasahod na sila sa mga pinaglilingkurang Chinese, tuloy pa rin ang suweldo nila bilang pulis.
Nabuking ang pag-eeskort ng mga pulis sa mga Chinese na operator ng POGO makaraang mag-away ang dalawang miyembro ng Special Action Force (SAF) na nagsisilbing escort ng POGO official sa Ayala-Alabang noong Mayo 18, 2024. Nagkaroon umano ng pagtatalo ang dalawang SAF kaya nagsuntukan at nagkagulo sa mayamang subdibisyon. Nabatid na nakatira sa Ayala-Alabang ang Chinese na inieskortan. Sumusuweldo umano ng P40,000 bawat isa ang SAF troopers sa pag-eeskort sa POGO official. Ang matindi pa, sa Mindanao pa nakadestino ang dalawang troopers. Nabatid na alam ng superiors ng dalawang SAF troopers ang kanilang pagsisilbi sa Chinese. Ayon sa report, may kahati ang superiors sa tinatanggap na suweldo ng dalawa.
Noong Miyerkules, sinibak na ni PNP chief General Rommel Marbil sa puwesto ang 11 SAF officers na napatunayang nagmo-“moonlighting” bilang escorts ng mga Chinese na nagpapatakbo ng POGO. Kabilang sa sinibak ni Marbil ang dalawang SAF na nagsuntukan sa Ayala-Alabang.
Ang mga sinibak na SAF officers ay sina Lt. Col. Joseph Bagsao, Cpt. Dale Andre Duterte, Cpt. Roy Plenos, Cpt. Jesttony Asanion, Lt. Aaron Tudlong Lt. Michael Misa, Executive Master Sergeant Aaron Turano, Senior Master Sergeant Edmark Mabini, Senior Master Sergeant Albert Gandipon, Corporal George Mabuti at Patrolman Robert Valdez.
Napatunayang nagkasala sa kasong grave misconduct, dishonesty, grave irregularity in the performance of their duties and conduct unbecoming of a police officer ang mga nabanggit na pulis. Sinuspendi naman sina Cpt. Mark Victor Pineda, Cpt. Julius Tacay, Chief MSgt. Leolio Calasang at Cpl. Rusty Araya.
Nararapat lang na sibakin sa puwesto ang mga pulis na mas inuuna pa ang pag-eskort sa mga Chinese na operator ng POGO kaysa sa pagganap ng tungkulin. Maaaring hindi lang 11 ang mga pulis ng nag-eeskort kundi marami pa. Dapat mag-imbestiga pa si General Marbil at nang masibak din sila. Masyadong mababa ang pagtingin ng mamamayan sa ilang pulis dahil sa masamang gawain. Dapat magkaroon pa ng malalimang paglilinis sa PNP si Marbil.
- Latest