Kasuhan na si Digong
Ang mga isiniwalat ni dating Senador Sonny Trillanes na kinamal umano ni dating Presidente Duterte sa droga ay katulad din ng mga isiniwalat niya noong Pangulo pa si Duterte. Walang pinag-iba.
Matagal nang wala sa poder si Duterte, dapat kinasuhan na siya. Kapwa dumalo sa pagdinig ng Quad Committee ng House of Representatives sina Trillanes at Duterte. Doon ay muling inilantad ni Trillanes ang isang matrix na nagsasaad kung paano hinatihati umano ni Duterte ang bilyones sa kanya at kanyang mga anak.
Sa ganitong pangyayari, naghihinala tuloy ang ilan na baka pulos paninira lang ang ginagawa sa dating Pangulo. Ayaw Kong mag-isip nang ganito pero parang nabibigyan ng bala ang mga Duterte para rumesbak sa mga akusasyon laban sa kanila.
Kung kinasuhan na noon pa si Duterte, marahil may hatol na ang Korte kaya wala nang mag-akusang ito’y trial by publicity.
Sa kabila ng mga babala kay Duterte na huwag gumamit ng malalaswang salita hindi maikaila ang galit ng matanda na inambaan pang papaluin ng mikropono si Trillanes. Nakakadismaya na ang pulitika sa Pilipinas.
Personalan na ang labanan at wala nang matinong palitan ng katuwiran. Umabot ako sa edad kong ito pero ngayon ko lang nakita ang ganitong pagsadsad ng kalidad ng pulitika.
Ang higit na nakalulungkot, pati taumbayan ay nahahati at may kani-kaniyang kinakampihan. Wala nang nagsusuri. Personal kong opinion na di na dapat bumalik sa kapangyarihan ang mga Duterte. Pero para mabigyan ng tuldok ang mga akusasyon laban sa kanila, ipaubaya na sa hukuman ang paghahatol.
- Latest