BAGSAK daw ang economy ng Boracay, ang nangungunang tourist destination sa bansa dahil matinding sinalanta ng bagyo. Hindi na tulad ng dati, halos wala nang bumibisita sa prime dollar earner ng bansa.
Pero nasaan si Gov. Joen Miraflores na dapat nakatutok sa problema? Ayon sa mga taga-Aklan, nasa ibang bansa ang governor. Pero kahit pa ito official trip, dapat sa panahon ng kalamidad ay prayoridad niya ang kapakanan ng lalawigan niya.
Isang buwan pa lang ang nakalilipas nang magtungo si Miraflores sa Korea at Japan, at kamakailan lamang ay dumating siya mula sa mga paglalakbay sa Paris at London. Makatwiran ba iyan? Marami pa ring taga-Aklan ang nagdurusa matapos ang mga kalamidad. Ang mga negosyo sa probinsya ay patuloy na naghihirap at nalulugi.
Nabawasan ang flights ng mga commercial planes sa mga airports sa Aklan at bumaba na lang sa dalawa kada araw, senyales ng bumababang bilang ng mga turista at ng paghina ng lokal na ekonomiya.
Ang pondo na dapat sana ay ginagamit para sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga Aklanon ay tila napupunta sa mga biyahe ng governor na para sa mga taga-Aklan ay kaduda-duda ang tunay na layunin.
Noong 2021, nag-anunsiyo na ng retirement sa pulitika ang ama ng governor na si dating Gov. Florencio “Joeben” Miraflores. Ngunit patuloy pa rin umanong sumasawsaw sa politics sa Aklan kahit may pending graft case na di pa nareresolba ng Korte Suprema.
Siya pa rin daw ang nangunguna sa distribusyon ng ayuda na mula sa pamahalaang panlalawigan kahit wala na sa puwesto. Tanong ng taumbayan, ang interes ba ng probinsya ang talagang pinagsisilbihan o ang interes ng iisang pamilya?
Paalaala lang kay Gov, ang pananagutan ay hindi natatapos sa halalan. Ipinagpapatuloy ito sa bawat aksyon, desisyon, at polisiya. Puwede bang sagutin mo Gov ang hinagpis ng iyong constituents?