Huwad-comm vs Quad-comm: lumang pelikula uulitin lang?

UULITIN ng Senate Blue-Ribbon Committee (BRC) ang pagdinig ng House quad comm sa extrajudicial killings sa ilalim ni Rody Duterte, 2016-2022.

Ipatatawag din ng BRC sina PNP Cols. Royina Garma at Santie Mendoza, at Davao Jail warden Gerardo Padilla. Inanunsiyo ‘yan ni Senate Minority leader Koko Pimentel, na hinirang ni Senate President Chiz Escudero na mamuno sa pagdinig.

“Ano? Hihiramin ng BRC ang mga artista ng sikat na quad comm?” tanong ni Ms. Rellzah Magsumbol, katambal ko sa Sapol-DWIZ.

Parang sisingit nga ang BRC sa liwanag ng quad comm. Mahusay kasing inarok ng huli ang apat na maiinit na isyu:

(1) EJKs, ng committee on human rights ni Rep. Benny Abante;

(2) Madugong drug war ni Duterte, ng committee on dangerous drugs ni Rep. Ace Barbers;

(3) POGOs, ng committee on public order, ni Rep. Dan Fernandez;

(4) Katiwaliang pinansiyal, committee on public accounts, Rep. Joseph Paduano.

Lumantad sa hearing na mga tiwaling POGOs pala ang nagpondo sa quota at premyo ng patayan sa drug war.

Sinangkot sa apat na salot sina Duterte at dalawang senador – dating PNP chief Ronald Dela Rosa at special assistant Bong Go.

Imbitado sila sa quad comm hearings para maglahad ng panig. Pero ayaw dumalo nina Dela Rosa at Go. Mas ginusto ng dalawang senador na magsariling hearings ang committee on public order and dangerous drugs ni Dela Rosa.

Tumanggi si Escudero. Paano iimbestigahan ng dalawa ang sarili nila? Dapat daw BRC.

Bakit naman susubaybay ang madla sa napanood na nilang mas kumpletong pelikula? Mababagot lang sila sa BRC—maliban lang kapag arukin nila kung nagwagi o hindi ang drug war.

Show comments