WALANG matitira kahit isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa. Lahat ay wawalisin bago sumapit ang Disyembre 31, 2024 o mas maaga pa rito. Bukod sa POGO, kasama rin sa ipinawawalis ang lahat nang internet at offshore gaming operations sa bansa. Wala nang makababawi sa kautusan kaya inaatasan ang Presidential Anti-Organize Crime Commission (PAOCC), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang law enforcement agencies na palakasin ang kampanya sa illegal POGOs. Magtulung-tulong ang mga nabanggit para matiyak na walang matitirang POGO.
Ang kautusan sa agarang pagbabawal sa lahat ng POGO ay nakasaad sa Executive Order No. 74 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Nobyembre 5, 2024. Bukod sa pagbabawal, nakasaad din na hindi papayagan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na aprubahan ang mga bagong lisensiya at hindi na rin papayagan ang renewal ng lisensiya. Pinal na ang paghinto ng POGO sa Disyembre 31, 2024.
Sa pagpapalabas ng EO, nararapat lamang na magtrabaho nang husto ang law enforcement agencies para masigurong walang maiiwang POGO sa bansa. Kailangang salakayin ang mga pinagsusupetsahang POGO hubs hindi lamang sa Metro Manila kundi pati na rin sa mga probinsiya. Inaasahang sa pagpapalabas ng bagong kautusan, tiyak na ang operasyon ng illegal POGOs ay ililipat sa probinsiya.
Hindi naman sana maging marahas ang mga alagad ng batas sa pagpapatupad ng kautusan na magiging dahilan para malagay sa alanganin at kontrobersiya. Gaya nang nangyaring pananampal ni PAOCC spokesperson Winston Casio sa isang empleyado nang sinalakay na POGO hub sa Pampanga noong nakaraang linggo. Sinibak na sa puwesto si Casio.
Naging kontrobersiya rin ang pagsalakay ng NCRPO at ACG operatives sa Century Peak Tower sa Adriatico St., Malate, Manila kung saan ay naroon ang POGO hub at iba pang scam hubs. Nagreklamo ang mga inarestong dayuhan na karamihan ay Chinese na hinihingian sila ng milyun-milyong piso ng police raiders. Inalis na sa puwesto sina NCRPO chief Major Gen. Sidney Hernia at ACG director Maj Gen. Ronnie Francis Cariaga.
Salot ang POGO sa bansa na sa halip makatulong sa pananalapi ay pawang mga krimen ang nangyari na nagpasama sa imahe ng bansa. Mula nang mag-operate noong 2017 sa panahon ni dating President Rodrigo Duterte, naging laganap ang kidnaping, pagpatay at iba pang masasamang gawain ng mga Chinese na nagpapatakbo ng POGO.