NAGSASAGAWA ng mineral exploration activities ang Yamang Mineral Corporation (YMC), sa lupain ng mga katutubong Tingguian sa Sallapadan, Abra.
Malaki ang sinasakop ng authority to verify minerals (ATVM) na iginawad sa YMC ng Mines and Geosciences Bureau ng DENR (MGB-DENR) na umaabot sa 16,200 ektarya, kasama ang Licuan-Baay at Lacub.
Kapag naisapinal na ang permit, magsisimula na ang pagmimina ng ginto. Ang masaklap, lingid sa kaalaman ng mga opisyal ng Abra, nag-umpisa nang gumalaw ang YMC gamit ang ATVM nito nang walang kaukulang pahintulot ang mga katutubong Tingguian.
Sa ginawa nila, tiyak na ikakatwiran ay hindi naman aktwal na pagmimina ang pagpapatupad ng ATVM, kundi exploration sa 16,200 ektaryang lupain. Ikakatwiran pa na hindi sisirain ang kapaligiran dahil wala pang pagmimina kundi maliliit na drilling activities.
Malaki ang pangamba ng Tingguians na kapag pinayagang mag-exploration ang YMC, tuluy-tuloy na ang pagmimina nila hanggang makalbo ang bundok sa mga punongkahoy at maubos ang ginto.
Nararapat pangalagaan ang 300 kilometrong haba at 90 kilometrong lapad na Cordillera Mountain Range na bumabagtas sa kanluranin ng Luzon na may taas na 3,000 metro.
Ang Cordillera Mountain Range ang nagpuprotekta sa mga bagyo. Pinapababa rin nito ng 10 percent ang accumulated tropical cyclone wind-field energy sa Cagayan Valley at hanggang 30 percent sa Region 1 at 3.
Nais ni Abra Rep. Menchie Bernos na paimbestigahan ang nakaambang pagmimina. Naririnig niya ang karaingan ng kanyang mga kababayan at ang magiging epekto ng pagmimina sa kalikasan.
* * *
Para sa komento, i-send sa: art.dumlao@gmail.com