Venganza ni De Lima
Ang pagkakaabsuwelto ni dating Senador Leila de Lima sa lahat ng drug related cases na isinampa sa kanya ng administrasyong Duterte ay isang vindication sa kanya. Kaya lang, pitong taon ang nasayang sa buhay ng isang de-kalibreng mambabatas at abogada. May edad na si De Lima at ang nawalang halos isang dekada sa buhay niya ay napakahalaga ngunit ‘di na maibabalik pa.
Napakalinaw na malisyosong pag-uusig ang ginawa sa kanya ng isang taong may motibo para gawin ito. Bilang human rights advocate noong panahon ni Duterte bilang Davao City Mayor, nilabanan ni De Lima ang extra judicial killings ni Duterte na inamin ng dating Presidente sa pagdinig ng Senado.
Kaso, hawak ni Duterte ang baton ng kapangyarihan. Ang umuusig ang inusig, idinemanda at ikinulong nang maging President si Duterte. Kawawang De Lima! Bukod sa mga inimbentong kaso, ginawan pa siya ng administrasyong Duterte ng tsismis na nagwasak sa kanyang pagkatao. Naging napakasamang babae ni De Lima sa mata ng taumbayan na napaniwala sa mga kasinungalingan ng dating Presidente.
Tama lang na si De Lima naman ang kumilos ngayon. Hindi sa pamamagitan ng gawa-gawang asunto kundi ng lehitimong reklamo. May matibay na kaso siya upang idiin ang dati niyang tormentor. Dapat ding isulong ng pamahalaan ang paghahain ng demanda laban kay Duterte laban sa malupit at madugong war on drug ng kanyang administrasyon.
Kung iginigiit ng pamahalaan na walang poder sa kaso ni Duterte ang International Criminal Court dahil may sarili tayong hudikatura, bakit hindi pa kasuhan si Duterte?
- Latest