^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Hayaang makapasok sa bansa ang ICC

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL — Hayaang makapasok sa bansa ang ICC

NANATILI ang posisyon ni President Ferdinand Marcos Jr. na huwag papasukin sa bansa ang International Criminal Court (ICC) sa bansa sa kabila na umamin na si dating President Rodrigo Duterte sa mga nangyaring pagpatay sa drug suspects sa pagpapatupad ng kanyang giyera laban sa droga. Sabi ni Marcos, hindi na kailangang manghimasok ang ICC dahil gumagalaw naman ang hustisya sa bansa. Ga­nito rin naman ang pananaw ng Department of Justice (DOJ). Kumalas ang Pilipinas sa ICC noong 2017 sa utos ni Duterte.

Ayon sa tala ng pamahalaan, mahigit 6,000 ang na­patay nang isagawa ang kampanya laban sa illegal na droga noong 2016 sa ilalim ng “Oplan Tokhang” ng Philippine National Police (PNP) na pinamumunuan noon ni Ronald dela Rosa, ngayon ay senador. Pero sa report ng human rights group, aabot sa 30,000 ang mga napatay sa buong bansa mula nang ilunsad ang “Oplan Tokhang”. Naging masigasig ang mga pulis sa pagtugis sa mga hinihinalang tulak ng droga. Halos araw-araw ay may napapatay na drug suspects.

Nang humarap sa Senate Blue Ribbon Committee si Duterte noong Oktubre 28, tahasan niyang inamin ang madugong giyera at ipinagtanggol ito kung bakit ginawa. Ayon sa dating Presidente, ginawa niya ito dahil mahal niya ang bansa. Hindi raw dapat kuwestiyunin ang kanyang mga polisiya at hindi kailanman siya hihi­ngi ng tawad dahil ginawa lamang niya ang nararapat.

Bilang Presidente, ang kanya raw tungkulin ay pro­tektahan ang bansa at ang mamamayan. Huwag din daw husgahan ang pulis sapagkat sinunod lamang ng mga ito ang utos niya. Siya na lang daw ang ikulong­. Kawawa naman daw ang mga pulis dahil sumunod lamang­ ang mga ito sa utos. Siya raw ang tanging may res­ponsibilidad sa lahat sa pagpapatupad ng war on drugs.

Nang tanungin ni Senator Risa Hontiveros si Duterte kung sinu-sino ang miyembro ng DDS, sinabi ni Digong na hindi niya maalala dahil matanda na siya. Edad 73 na raw siya at mahirap nang maalala iyon. Pero tiyak niyang “libu-libo” ang napatay sa war on drugs sa panahon ng kanyang pamumuno.

Ang pag-amin ni Duterte sa mga nangyaring pata­yan ay nagpalakas sa loob ng mga kaanak ng biktima ng extra-judicial killings sa bansa. Nararapat nang pa­nagutin si Duterte, ayon sa kanila. Umamin na kaya dapat sampahan ng kaso.

Noong Linggo, nagtipon ang mga pamilya ng EJKs victims sa Siena College Chapel at nanawagan sila na dapat managot si Duterte at iba pa. Ano pa raw ba ang hinihintay at hindi masampahan ng reklamo ang dating Presidente.

Ang panawagang ito ng mga kaanak ng EJKs ay ma­laking hamon sa Marcos administration—sampahan ng kaso si Duterte o hayaang makapasok ang ICC sa bansa.

DRUG

ICC

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with