^

PSN Opinyon

EDITORYAL – Kasuhan at litisin

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL – Kasuhan at litisin

SA mga inamin ni dating President Rodrigo Duterte sa Senado noong Lunes ukol sa extra-judicial killings (EJKs) sa panahon ng kanyang panunungkulan, dapat siyang kasuhan at litisin. Mistulang “sinusiang laruan” ang dating Presidente nang tuluy-tuloy na aminin ang mga pagpatay ng “Davao death squad” na binubuo umano ng mga gangsters at mayayaman.

Ngayong umamin na si Duterte, dito masusubok ang gobyerno ni President Ferdinand Marcos Jr. na ipa­tupad ang batas laban sa mga gumawa ng karumal-dumal na krimen. Sa kasalukuyan, ayaw ni Marcos na bumalik ang bansa para maging miyembro ng International Criminal Court (ICC) dahil gumagalaw daw naman ang justice system sa bansa. Hindi na raw ka­ilangan ang ICC sapagkat nanghihimasok lamang ang mga ito. Ipakita ng kasalukuyang administrasyon na gumagalaw nga ang hustisya sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso at litisin ang dating Presidente.

Walong oras humarap sa pagdinig si Duterte at tahasang inamin ang madugong giyera at ipinagtanggol ito kung bakit ginawa. Sabi ni Duterte, ginawa niya ito dahil mahal niya ang bansa. Hindi raw dapat kuwes­tiyunin ang kanyang mga patakaran at hindi ka­ilan­man siya hihingi ng tawad dahil ginawa lamang niya ang dapat gawin.

Bilang Presidente raw, ang kanyang tungkulin ay protektahan ang bansa at ang mamamayan. Huwag din daw husgahan ang pulis sapagkat sinunod lamang ng mga ito ang utos niya. Siya na lang daw ang ikulong. Kawawa naman daw ang mga pulis dahil nagtatrabaho lamang daw ang mga ito. Siya raw ang tanging may responsibilidad sa lahat sa pagpapatupad ng war on drugs.

Nang tanungin si Duterte ni Senator Risa Honti­veros kung sinu-sino ang pitong miyembro ng DDS, sinabi ng dating Presidente na hindi niya maalala dahil matanda na siya, edad 73 na siya. Pero sinabi na “libu-libo” ang napatay sa war on drugs sa panahon ng kanyang pamumuno.

Noon ay mariing itinatanggi ni Duterte na may “DDS” pero ngayong sa kanyang bibig na nanggaling na totoo ito, malaki ang kahaharapin niyang kaso. At maski si Senate President Chiz Escudero ay nagulat nang ipagmalaki pa ito ni Duterte.

“Meron akong death squad, pito, pero hindi ‘yang mga pulis. Sila rin ‘yong mga gangster. ‘Yung isang gang­ster uutusan ko, patayin mo ‘yan! Kung hindi mo pa­tayin ‘yan, patayin kita ngayon,” sabi ni Duterte sa pagdinig.

Dapat gumalaw ang hustisya sa bansa sa pag-amin na ito. Pagulungin ang batas.

LAW

SENADO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with