‘Ako ang mananagot’
Sa kauna-unahang pagkakataon, dumalo si dating President Rodrigo Duterte sa hearing ng Senado kahapon kaugnay sa war on drugs na ipinatupad niya noong kanyang termino kung saan 20,000 ang namatay.
Akala ko hindi darating si Duterte dahil matagal nang pinagsisigawan ng kanyang kapanalig na huwag itong sumipot dahil magbibigay lamang ito ng alinlangan sa resource persons na dumalo. Pero dumalo nga siya kahapon.
Sabi ni Duterte mula umano ng naging mayor siya ng Davao City ay mahigpit na niyang ipinatupad ang giyera laban sa droga.
Inako ni Duterte ang responsibilidad sa war on drugs. Sabi ni Duterte kahapon, siya raw ang mananagot at siya na lamang ang ikulong nang akuin ang responsibilidad sa war on drugs na kanyang ipinag-utos.
Sabi ng dating Presidente, “I and I alone, take full legal responsibility sa lahat nang nagawa ng mga pulis pursuant to my order.”
Kawawa naman daw ang mga pulis na tumupad lamang ng tungkulin nang kanya itong ipag-utos. Siya na lamang daw ang ikulong.
Huwag din daw kuwestiyunin ang kanyang mga polisiya. At sa maniwala raw o sa hindi, ginawa raw niya ito alang-alang sa bansa. Idinagdag pa ni Duterte na hindi siya hihingi ng tawad sa mga nagawa nang pamunuan ang giyera laban sa illegal na droga.
Sa pag-ako ni Duterte na ipinag-utos niya ang pagpatay sa drug suspects, tumutugma ito sa sinabi ni dating police colonel at PCSO general manager Royina Garma na ang dating Presidente nga ang “utak” sa EJKs. Sabi ni Garma, binibigyan ng reward ang mga pulis na makakapatay ng drug suspects mula P20,000 hanggang P1 milyon.
Ngayong dumalo at nagsalita na si Duterte sa Senado ukol sa war on drugs, ano ang kasunod?
- Latest