May araw din kayong mga kulaboretor
Paano nahuhulog ang loob ng mga opisyales natin sa kalabang Chinese? Ito ang kuwento sa akin ng mga imbestigador:
Unti-unti “nanliligaw” ang Chinese na negosyante, may pasugalan, “estudyante” at “turista”. Una, pakakainin at lalasingin ang target na pulis, Customs, Immigration, retirement, gaming, higher education, labor, consular, at freeport officer. Sa totoo bawal magpalibre ang opisyales, pero marurupok sila.
Ikalawa, bibigyan ng seksing babae. Kapag kumagat sa pain ang opisyal, hindi na siya makakawala. Dalawa na ang krimen niya: pagtanggap ng suhol at prostitusyon.
Ikatlo, aabutan na ang opisyal ng sobreng may cash. Lango at nagpakasasa na, ibinenta pa ng opisyal ang sariling kaluluwa. Kulaboretor na siya sa anumang hiling ng Chinese.
Aakto nang bodyguard ang pulis. Magpipikit mata ang taga-Customs at Immigration sa ipinupuslit na droga, armas, uniporme, at tauhan. Mag-iisyu ng papeles sa “retiree” at “estudyante”, maski edad sundalo ito, 30-35. Lilisensiyahan ang pasugalan o negosyo maski peke ang papeles. Papayagan na walang building permit at fire extinguishers.
Kung magkabistuhan, “aayusin” din ang huwes, piskal, heneral, at mambabatas. Lahat nakasahod ang kamay.
Karumal-dumal ang mga krimen nila. Hindi nila maaamin sa kanilang pamilya kung saan nanggaling ang ipinangkakain. Kung may giyera, bitay o pagbaril sa batok ang parusa. Maski tapos na ang giyera, maari pa rin silang usigin ng tadhana.
Ganyan ang nangyari sa mga kulaboretor nu’ng panahon ng Hapon at ikinulong sa Bilibid nu’ng Liberation. Paglaya nila, kinidnap sila ng mga dating gerilya. Karamihan, isinakay sa bangka sa Laguna de Bay. Ginapos ang mga kamay. Sa gitna ng lawa hinataw ng sagwan sa batok at inihulog sa malalim na tubig.
- Latest