Tinaguriang ‘instant ramen king’, araw-araw kumakain ng noodles sa loob ng tatlong dekada!
Isang 65-anyos na lalaki sa Japan ang pinagkakitaan at ginawang hanapbuhay ang pagkain ng instant ramen!
Nagsimulang mahilig sa instant ramen si Sokusekisai Oyama noong siya ay engineering student pa lamang sa Gunma University. Noon din siya nahilig mangolekta ng mga pabalat at cups ng instant ramen dahil araw-araw niya itong kinakain.
Nang mga panahong iyon ay matatawag lamang na “enthusiast” si Oyama pagdating sa instant ramen ngunit nang sumapit ang dekada 90s ay nagsimula na siyang makilala bilang “expert” sa larangan na ito. Taong 1995 ay nagtrabaho bilang illustrator si Oyama nang maisipan niya na sumali sa “Instant Noodle Championship” isang quiz show sa telebisyon na hinahamon ang mga contestants sa kaalaman tungkol sa instant ramen.
Napanalunan niya ang top prize dito na naging dahilan para makilala siya sa buong Japan na marunong sa lahat ng bagay na may kinalaman sa instant ramen. Simula noon ay madalas na siyang i-guest sa mga TV shows at events na may kinalaman sa pagkain.
Taon 2018 ay sumali naman siya sa isang cooking contest sa TV kung saan ang mga kalahok ay pipili ng kanilang paboritong instant ramen noodle brand at magdaragdag ng ilang sangkap upang mapasarap pa ito. Sa ikalawang pagkakataon, itinanghal na champion muli si Oyama na naging dahilan para lalo siyang sumikat at tawagin siya bilang “Instant Ramen King”.
Simula noon ay iniwan na niya ang kanyang trabaho para maging full time instant noodle critic. Daan-daang bagong instant noodles na inilulunsad bawat taon sa Japan, kaya naging abala si Sokusekisai Oyama sa kanyang trabaho bilang isang professional critic ng cup noodles.
Kalakip ng bagong career ay kailangan niyang tumikim ng instant ramen araw-araw. Dahil dito ay regular ang kanyang guestings sa TV at aktibo rin siya sa social media, kung saan sinasagot niya ang mga tanong ng mga netizens tungkol sa noodles. Nagpo-post din siya ng mga review, at nire-rate niya isa-isa ang mga pinakasikat na uri ng instant noodles. Dahil sa kanyang malawak na karanasan at pagmamahal sa cup noodles, laging inaabangan ang mga opinyon ng Hari ng Instant Ramen.
- Latest