Oras na para kumilos: laban ng Makatizens sa climate change
Grabe, ramdam na ramdam na talaga natin ang epekto ng climate change ngayon, ‘di ba? Tayong mga nasa lokal na pamahalaan, tayo ang nasa frontlines tuwing may kalamidad. Dito sa Makati, kitang-kita ko kung paano naaapektuhan ang mga tao, lalo na ang mga kababaihan, matatanda, at mga kapos sa buhay. Hindi na ito problema ng hinaharap —nandito na, kaya kailangan nating kumilos agad.
Nauubos na ang oras para gumawa ng malalaking hakbang. Hindi na tayo pwedeng magpatumpik-tumpik. Araw-araw, ramdam na natin ang epekto ng mga kalamidad, kaya dapat mas handa tayo.
At bilang lokal na lider, tungkulin ko na tiyakin na may sapat tayong pondo para sa mga ganitong sitwasyon.
Alam n’yo ba, sa Makati, halos 70% ng pondo natin para sa disaster risk reduction ay napupunta sa paghahanda bago pa man dumating ang sakuna. Hindi tayo naghihintay na masalanta bago kumilos. Meron tayong early warning systems at flood control projects na malaking tulong sa pag-iwas sa pinsala ng mga kalamidad. Importante rin na protektahan natin ang mga sektor na mas apektado—mga kababaihan, matatanda, at mahihirap. Gusto nating hindi lang sila basta makatawid, kundi talagang makabangon at magpatuloy nang maayos ang buhay.
Pero hindi ito kakayanin ng Makati lang. Kailangan nating makipagtulungan sa national government at makakuha ng access sa mas malaking pondo, kagaya ng Loss and Damage Fund. Kung hindi bibigyan ng sapat na pondo ang mga lokal na pamahalaan, paano mabibigyan ng sapat na proteksyon ang mga komunidad?
Kaya nga patuloy akong nananawagan na isama ang mga lokal na pamahalaan sa mga usapan tungkol sa climate financing. Tayong mga nasa komunidad ang direktang nakakaranas ng epekto, kaya dapat tayo rin ang may direktang access sa mga pondo para dito.
Ang mga ginagawa natin dito sa Makati—gusto kong makita rin sa ibang mga lungsod. Pinagsasama-sama natin ang iba’t ibang pondo para masiguradong handa tayo. Hindi lang ito tungkol sa pagtugon sa sakuna, kundi para masigurong may mas magandang kinabukasan ang mga residente.
Mga Makatizens, panahon na para kumilos tayong lahat. Hindi pwedeng gobyerno lang ang kikilos—kailangan natin magtulungan. Ang laban sa climate change ay laban nating lahat. Protektahan natin ang ating mga pamilya at komunidad. Huwag nating hayaang sakuna ang mauna—tayo dapat ang manguna sa aksyon.
Tayo ang susi sa mas ligtas at matatag na kinabukasan. Tara, simulan na natin ang pagbabago!
- Latest