Pinoy kasamang nagtatag ng isang lungsod sa Amerika
Umaabot na sa mahigit apat na milyon ang populasyon ng mga Pilipino sa United States of America batay sa census hanggang noong 2020. Nakakalat sila sa napakaraming estado ng U.S. tulad sa California. At isa sa mga lugar na merong na-pakaraming Pilipino ang Los Angeles (mas kilala sa tawag na LA) na isang malaki at mataong lungsod sa California. Isinaad sa isang report ng Pew Research Center noong Abril 29, 2021 na hanggang noong taong 2019 ay umaabot na sa 506,000 ang bilang ng mga residente sa Los Angeles na may dugong Pilipino.
At tulad sa ibang bahagi ng U.S., na-ging bahagi na rin ng kasaysayan ng Los Angeles ang mga Pilipino. Lumalabas sa ilang tala na kabilang ang isang Pilipino sa mga nagtatag sa L.A. noong panahong sakop pa ito ng mga kastila bagaman merong ilang kontrobersiya sa mga datos hinggil sa kanyang pagkatao at kapos din sa mga detalye.
Ayon nga sa isang lathalain sa FilAm Tri-bune noong Setyembre 30, 2020, itinuturing na 12th founding father ng Pueblo de Los Angeles (lumang pangalan ng LA) ang Pilipinong si Antonio Miranda Rodriguez nang itatag ito noong 1781. Kasama si-ya ng 12 orihinal na tagapagtatag ng LA nang taong iyon. Bagaman lumabas sa FilAm Tribune, nagkalat din sa internet at ibang mapagkukunan ng mga impormasyon ang ilang datos hinggil kay Rodriguez bagaman may mga kakulangan o hindi pagkakatugma-tugma.
May edad na 50 anyos si Rodriguez nang dumating sila ng 11-taong gulang niyang anak na si Juana Maria sa Los Angeles noong 1781.
Nang panahong iyon, ang pamahalaan ng Spain ay nagpadala ng mga tao na kinabibilangan ni Rodriguez para itatag ang isang bayan sa California na unang pinangalanang “El Pueblo de Nuestra Señora la Reina de Los Ángeles” (The town of Our Lady the Queen of the Angels). Tulad sa Texas na naging kolonya rin ng Espanya noon, ang L.A. ay tinawag na “Nueva Filipinas.” Naging modelo ng Spain ang Pilipinas sa pagtatatag ng dumarami nitong mga kolonya noon. Magsisilbi sanang Spanish civilian settlement sa Amerika ang Nueva Pueblo (bagong bayan).
Binabanggit sa Los Angeles Almanac na bagaman 11 settler (pobladores) families ang naging founders ng Los Angeles noong 1781, dapat sanang napasama sa mga pamilyang nanirahan sa bagong bayan si Rodriguez na napaulat.
Sa mga naglalabasang ulat hinggil kay Rodriguez, wala gaanong paglalarawan sa dati niyang buhay sa Pilipinas maliban sa pagsasaad na ipinanganak siya sa Maynila at sinasabing isang Pilipino.
Isa na siyang biyudo noon. Gayunman, ilan na rin namang mga Pilipino bukod kay Rodriguez ang napapadayo sa Amerika noong panahon ng mga kastila.
Wala nga lang malinaw na mga detalye kung paano ang naging partisipasyon niya sa pagkakatatag ng bayan ng LA nang kapanahunang iyon.
Gayunman, habang nasa Baja, California, nagkasakit ng bulutong ang anak ni Rodriguez na si Juana Maria. Naantala ang pagdating nila sa Los Angeles. Ipinalalagay na isa itong dahilan kaya hindi napasama ang kanyang pangalan sa listahan ng mga unang dumating sa naturang bayan. Kabilang sa 11 founders ng Los Angeles sina Manuel Camero, Mulatto; José Fernando de Velasco y Lara, Spaniard; Antonio Mesa, Black; José Cesario Moreno, Mulatto; José Antonio Navarro, Mestizo; Luis Manuel Quintero, Black; Pablo Rodriguez, Indian; José Antonio Basilio Rosas, Indian; Alejandro Rosas, Indian; José Maria Vanega, Indian; at Antonio Clemente Felix Villavicencio, Spa-niard.
Hindi nailista si Antonio Rodriguez bilang isa sa 11 founders ng El Pueblo. Gayunman, binabanggit ng Los Angeles Almanac ang kanyang pangalan bilang 12th founder ng California.
Isa rin sa sinasabing nakikitang dahilan kaya hindi nailista si Antonio Miranda Rodriguez bilang isa sa mga tagapagtatag ay dahil hindi siya nanirahan sa Los Angeles.
Napatira siya sa Santa Barbara sa California rin.
Nang makarating sina Rodriguez at ang kanyang anak sa Alta California (Upper/New California), natuklasang magaling siyang gumawa ng baril kaya inilipat at itinalaga siya ng mga kastila sa Santa Barbara Presidio noong 1782.
Nagtrabaho siya sa isang armory doon na mahalagang bahagi ng defense installation ng mga kastila. Doon na siya namalagi sa buo niyang buhay.
Ang El Presidio Real de Santa Bárbara ay isang military installation na ipinagawa ng Spain noong 1782 para ipagtanggol ang Second Military District sa California.
Sa isang artikulo sa LAist.com, isang professor ng Asian American Studies at California State University, Los Angeles na si Joy Sales ang nagsabing ang unang naitalang pagdating ng mga Pilipino sa Amerika ay ang sa Morro Bay, California noong 1587.
Bahagi sila ng crew na dumating para maghanap ng lupa at makipag-ugnayan sa mga katutubong mamamayan ng California. Nang panahong iyon, kolonya na ng Spain ang Pilipinas.
* * * * * * * * * * *
Email- [email protected]
- Latest