^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Sampolan smugglers ng sibuyas

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Sampolan smugglers ng sibuyas

Kalalagda lang ni President Ferdinand Marcos Jr. ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act noong Setyembre 26, 2024 pero patuloy pa rin ang agri smuggling partikular ang sibuyas. Walang takot na makulong nang habambuhay at multang limang ulit ang halaga sa inismagel na produkto.

Sa pagkapasa ng batas, marami ang natuwa lalung-lalo na ang mga magsasaka ng gulay. Nawawalan ng ikinabubuhay ang mga magsasaka dahil sa smugglers. Dahil din sa mga salot na smugglers kaya malaki ang nawawala sa kaban ng pamahalaan.

Noong Martes, nakumpiska ng Department of Agriculture at Bureau of Customs ang P3.5 milyong halaga ng sibuyas sa Manila South Harbor. Galing China ang sibuyas.

Noong nakaraang buwan, nakasamsam din ang DA at BOC ng 300 tonelada ng smuggled na gulay nang salakayin ang dalawang malalaking bodega sa Navotas City. Ang isa sa mga bodega ay ­naglalaman ng 132.75 tonelada ng puting sibuyas na nagkakahalaga ng P21.2 milyon samantalang ang isa pang bodega ay may laman na 89.89 tonelada ng carrots na nagkakahalaga ng P13.48 milyon. Bukod sa sibuyas at carrots, nakakum­piska rin nang maraming kamatis at mushrooms.

Tuwing “ber” months dumadagsa ang smuggled na gulay, frozen na karne at iba pa. Itinataon ng smugglers ang pagpupuslit sapagkat papalapit na ang holiday season.

Tiyak na dadagsa pa ang smuggled na sibuyas sa kabila na may mabigat na parusa sa smugglers. Ang pagdagsa ng smuggled na sibuyas, ay nagpapaalala sa shortage ng sibuyas noong 2022 kung saan umabot sa P700 ang bawat kilo. Itinago ng mga gahamang negosyante ang sibuyas at inilabas nang magkaroon ng shortage at itinaas ang presyo. Umaray naman ang mga local na magsasaka ng sibuyas sa pagdagsa ng imported na sibuyas. Maraming magsasaka ang nalugi. Inagawan sila ng kabuhayan dahil sa kagagawan ng mga salot na agri smugglers.

Mabigat ang babala ni President Marcos Jr. na hahabulin at pagbabayarin ang mga smugglers ng agri products. Ang mga ito raw ang sumasabotahe sa ekonomiya at nagpapahirap sa mga lokal na magsasaka ng gulay.

Nararapat nang sampolan ang mga smuggler ng agri products at unahing parusahan ang mga nagpupuslit ng sibuyas. Ipakita na may ngipin ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act at hindi dekorasyon lamang.

vuukle comment

ANTI-AGRICULTURAL ECONOMIC SABOTAGE ACT

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with