EDITORYAL — Sabihin na ni Garma lahat ang nalalaman
NAGSALITA na si dating PCSO General Manager Royina Garma sa extrajudicial killings (EJKs) na nangyari habang ipinatutupad ang war on drug ni dating President Rodrigo Duterte. Tinukoy ni Garma si Duterte na nasa likod ng EJKs. Sinabi ni Garma, dating police colonel, na ipinatawag siya ni Duterte sa bahay nito noong 2016 at nagpapahanap ng isang police official na mangangasiwa sa war on drugs. Inirekomenda umano niya si police Col. Edilberto Leonardo, upperclassman niya sa PNPA at naka-assign noon sa Criminal Investigation and Detection Group. Ayon kay Garma, si Leonardo ang bumuo ng specialized task force matapos makipagpulong kay Duterte.
Ayon pa kay Garma, agad ipinatupad ng grupo ni Leonardo ang plano. Ibinunyag din ni Garma ang reward system kung saan ang pondo ay idinadaan sa bank accounts ng isang nagngangalang Peter Parungo. Si Leonardo rin daw ang nagrereport ng lahat ng namatay mula sa police operations para maisali sa lingguhang reports. Ito ay upang masiguro rin na mare-refund ang lahat ng mga nagastos sa police operations.
Tahasang sinabi ni Garma na si Leonardo ang tumutukoy sa mga taong isasama sa listahan ng sangkot sa illegal drugs. Ito rin daw ang nagpapasya kung sino ang tatanggalin o aalisin sa drugs lists.
Nang tanungin si Garma kung bakit niya naisipang isiwalat ang kanyang nalalaman, sinabi niya na matagal umano niya itong pinag-isipan. Gusto na rin daw niyang mabunyag ang lahat ng katotohanan sa madugong giyera sa droga. Sinabi rin ni Garma sa pagdinig ng House quad committee na ang lahat ng pulis na dumalo sa pagdinig ay may kasalanan. Umiyak si Garma habang dinidetalye ang mga nalalaman sa EJKs ng Duterte administration.
Ang nakapagtataka lang sa mga sinabi ni Garma, pawang si Leonardo ang kanyang itinuturong nagsagawa ng lahat. Sa takbo ng kanyang pananalita, si Leonardo ang dapat sisihin. Nililinis ba ni Garma ang sarili?
Marami pang nalalaman si Garma at ang kanyang mga siniwalat ay katiting lamang. Marami pa siyang nalalaman ukol sa EJKs. Kung gaano karami ang namatay sa EJKs ganundin karami ang kanyang nalalaman. Dapat sabihin na niya lahat ang nalalaman.
Kung totoong nais niyang mangibabaw ang katotohanan, ito na ang pagkakataon dahil nasimulan na niya ang pagdukal sa “utak” ng EJKs.
- Latest