Syndicate money sa kampanya ni Rose Lin?
Isinusuka raw ng ilang kasapi ng Reform PH Party ang bago nilang kasapi na si businesswoman Rose Lin dahil sa mga isyung bumabalot sa pagkatao nito. Nangangamba sila na gagamitin ni Rose Lin ang pera mula sa ilegal na POGO at droga sa kanyang kandidatura sa pagka-kongresista ng Quezon City 5th district.
Ito ang dapat siyasatin ng Reform PH Party na sinapian ni Lin na nakaladkad sa Pharmally multi million peso anomaly noong panahon ni President Duterte at nadawit din siya sa drug syndicate ng mga Tsino. Usap-usapan na naisiksik ni Rose Lin ang sarili sa partido na pinamumunuan ni dating Sen. Gregorio Honasan.
Ang ilang kasapi ng Reform PH ay pawang pinagpipitaganan tulad nina Agriculture Assistant Secretary James Layug, dating Representante Willie Villarama at iba pang ex-military na kasapi ng Magdalo. ‘Di dapat masira ang credibility ng partido dahil sa bad reputation ng isa.
Ang balita ko, inalok ni Lin ang halos lahat ng partidong pulitikal para magkaroon ng Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) subalit lagi itong umuuwing luhaan. Walang gustong tumanggap sa kanya!
Kung magugunita, noong 2022 elections, iniligwak si Rose Lin ng Lakas-CMD dahil sa multi-milyong Pharmally scandal.
Kaya mismong ilang members ng partidong Reform PH ang nagulat sa pagkakakupkop ng partido kay Lin. Bukod sa POGO at illegal drugs, dawit din anila si Lin sa criminal network ng Chinese syndicate ng kanyang mister na si Weixiong Lin alyas Allan Lim.
Karumal-dumal nga ang mga lumulutang na krimen na naganap sa POGO: patayan, kidnapping, torture, human trafficking at sex trafficking. Puwersahang pinagtatrabaho o ginagawang sex slave ang mga biktima. Ipinagmamalaki pa naman ng partido na nakasandig ang kanilang prinsipyo sa ipinaglaban ng bayaning si Andres Bonifacio na nagsulong ng pambansang progreso at sa patas na pakikipaglaban para sa kapwa Pilipino.
Wala sa pagkatao ni Lin ang mga prinspyong ito, anila. Sa halip, pinapaboran daw niya ang interes ng mga sindikatong Tsino at iba pang iligal na gawain. Soberenya ng bansa kapalit ng pansariling interest! Mas masahol pa umano si Rose Lin sa nasibak na Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na naisipan na lang manahimik at harapin ang mga alegasyon laban sa kanya kaysa mangampanya.
- Latest