Walang pulis sa kalye
SINUSUBUKAN ng mga criminal ang kahandaan ng Philippine National Police (PNP) sa panahong ito. Pinagbabaril ng riding-in-tandem ang barangay officer sa Bulacan noong Biyernes at kinabukasan, mag-asawang online seller sa Pampanga naman ang binaril.
Malaki ang aking pangamba na marami pa ang malalagas kapag naging mabagal ang PNP sa pagsalakay ng riding-in-tandem. Bakit hindi matuldukan ang ginagawa ng riding-in-tandem? Nasaan ang mga pulis? Nagpapalaki ng tiyan sa malalamig na opisina?
Mangilan-ngilan lamang ang nakikita kong pulis sa kalye. Takot kayang masunog ang kanilang kutis sa pagbibigay ng proteksiyon sa madlang pipol?
Payo ko kay Marbil, personal na i-supervise ang mga naka-deploy na pulis sa lansangan upang makita niya ang kakulangan. Sinasamantala ng mga riding-in-tandem at hired killer ang panahon ng eleksiyon. At ngayong papalapit na ang Christmas season, tiyak aatake pa ang mga kawatan.
Kaya kung nais ni Marbil na matugunan ang pamamayagpag ng mga riding-in-tandem, pakilusin niya ang Criminal Investigation ang Detection Group (CIDG) sa pamumuno ni Gen. Nicolas Torre. Si Torre ang nagpasuko kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy noong Setyembre 8. Kayang-kaya ni Torre ang mga riding-in-tandem at ganundin ang private armies na ginagamit ng mga pulitiko. Abangan!
- Latest