Panibagong pag-asa para sa mga PDL
MAKAILANG beses ko nang sinabi na mula nang ako’y maupo bilang Mayor, sinisiguro natin na mayroong oportunidad ang lahat at walang maiiwan pagdating sa mga programa’t proyekto ng ating siyudad.
Isa sa mga patunay nito ay ang pag-graduate sa kolehiyo ng 19 na babaing persons deprived of a liberty (PDLs) sa QC Jail Female Dormitory.
Natapos nila ang kursong Bachelor of Science in Entrepreneurship sa ilalim ng “No Woman Left Behind” program ng pamahalaang lungsod.
Naging emosyonal ang lahat sa graduation ceremony kung saan tayo’y sinamahan nina Justice Undersecretary Margarita Gutierrez, Councilor Ellie Juan, Gender and Development Council Secretary Janet Oviedo, QC Jail Female Dormitory Warden JCINSP. Lourvina Abrazado at iba pang opisyal ng pamahalaang lungsod.
Nabigyan ng panibagong pag-asa ang mga PDL nang iabot sa kanila nina Dr. Gerardo Bautista, QCU Dean of College of Business Administration and Accountancy, at QCU President Dr. Theresita Atienza ang kanilang diploma na bunga ng kanilang paghihirap.
Ipinakita ng 19 na PDL na hindi hadlang ang bilangguan para lang makapag-aral at makamit ang pangarap.
Ito ang dahilan kaya binuo natin ang ”No Woman Left Behind” program sa tulong ng QC Gender and Development Council (QCGDAC) at QCFJD.
Sa ilalim ng programang ito, may mga binuong tertiary programs para sa PDLs sa pamamagitan ng tinatawag na continuing education.
Sa ganitong sistema, matatapos nila ang kurso sa loob ng dalawang taon sa pamamagitan ng blended learning, face-to-face at online classes.
Sa labing-siyam na graduates, isa sa kanila ay nahatulan na habang anim ang nakalaya na at nakumpleto ang programa sa pamamagitan ng online class. Nakakulong pa rin ang 12 at naghihintay matapos ang kaso.
Bilang entrepreneurship graduates, puwede silang makakuha ng tulong mula sa mga programang Pangkabuhayang QC at Tindahan ni Ate Joy program.
Maaari silang makakuha ng trabaho sa tulong ng QC Public Employment Services Office kapag sila’y nakalaya na.
Anuman ang mangyari, malaking pagbabago para sa kanila ang makapagtapos ng kolehiyo. Sa tulong nito, mas may tsansa sila sa magandang bukas kumpara sa unang araw nila sa piitan.
- Latest