Doc Willie sa Senado
MALUBHA ang naging sakit ni Dr. Willie Ong. Sarcoma. Isang uri ng cancer na mabilis kumalat. Sa Singapore pa siya isinugod upang magpagamot dahil mas advanced daw doon ang teknolohiya kaysa rito sa ating bansa.
Sa kanyang vlog, tinanong ni Doc Willie: “Paano na ang mahihirap na Pilipino pagdinapuan ng sakit na ito?” Oo nga. Si Doc Willie ay pilantropo at may pera, paano na ‘yung walang itutustos para mangibang bansa?
Kaya ngayong feeling good na siya, sinabi niyang tatakbo siya sa eleksyon para sa Senado at isasaayos niya ang health care system. Doc Willie, kahit feeling good ay hindi ka pa magaling talaga.
Tanong ko lang, kaya ba niya ang stressful job na ito? Siya na mismo ang nagsabing “stress” ang dahilan ng kanyang cancer. Bunga raw ito ng mga bashing na tinatanggap niya sa social media lalo na nang una siyang tumakbo sa pagka-senador.
Umiiyak pa siya nang sabihin na sa kabila ng mabuting gawain niya tulad ng free medical mission ay binabantaan pa siya ng hate bloggers. Si Doc Willie at asawang si Dra. Liza Ramoso Ong ay gumagamot ng mga may karamdaman na hindi tumatanggap ng doctor’s fee.
Kaibigan at kapwa ko kolumnista si Doc Willie. Napakaganda ng layunin niyang gawing maayos ang health care system ng bansa. Pangamba ko lang, gaano man kabuti ang layunin ng tao, hindi mawawala ang mga detractors na maaaring magpatindi ng stress niya para ibalik ang kanyang sakit.
Ang cancer ay kakaiba at traidor puwedeng magkaroon ng anyong magaling o remission pero maaaring bumalik kung hindi iingatan ang sarili. Siguro kung ako ang nasa katayuan ni Doc Willie, hindi na lang ako tatakbo.
Kaso, hindi ako si Doc Willie at iba ang karakter. Para sa kanya, kung mamamatay siya sa paglilingkod sa bayan ay mamatamisin niya. God be with you on your journey, Doc Willie!
- Latest