EDITORYAL — Hindi na kailangan ang ROTC
KAILANGAN daw maibalik ang mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa college students lalo na ngayong may tensiyon sa West Philippine Sea. Kailangan din daw ito para maihanda ang kabataan sa pagharap sa mga kalamidad, disaster at ganundin para sa pangangalaga sa kapaligiran at climate change.
Pinamamadali raw ni President Ferdinand Marcos Jr. sa Senado ang pagpapasa sa Senate Bill 2034 para maging mandatory sa mga estudyante sa kolehiyo at sa vocational institutions ang ROTC.
Sabi ni Senate Majority Floor Leader Francis Tolentino sa isang radio interview na nagbigay na raw ng signal si Marcos Jr. para madaliin ang pagpapasa nito at maisama sa curriculum ng mga estudyante sa kolehiyo.
Ang may-akda ng mandatory ROTC ay si Sen. Ronald dela Rosa. Sinabi ni Dela Rosa na napapanahon ang pagbabalik ng ROTC lalo at may nangyayaring tension sa West Philippine Sea kung saan agresibo ang China sa pag-angkin sa teritoryo ng bansa. Marami rin aniyang beses na binomba ng tubig ng China ang navy at coast guard at pati ang mga mangingisdang Pinoy. Una nang sinabi ni Dela Rosa na walang magaganap na hazing, pang-aabuso at korapsiyon sa ROTC. Nakasaad din sa panukala ni Dela Rosa, hindi makaka-graduate sa kolehiyo at technical vocational courses ang mga estudyanteng lalaki at babae kapag hindi nag-ROTC.
Desidido ang mga senador na ipasa ang mandatory subalit marami rin naman ang hindi sumasang-ayon dito. Sa surbey na isinagawa ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) noong nakaraang Abril 3-24, 53 percent ng respondents ay tutol sa mandatory ROTC. Sa sinurbey na 20,461 kung saan 13,210 ang babae at 7,251 ang lalaki, mahigpit nilang tinutulan ang ROTC. Kabilang sa mga sinurbey ay Grade 11 students (37 percent), Grade 12 (33 percent), at college undergraduates (30 percent).
Ilan sa mga dahilan ng pagtutol sa ROTC ay dagdag pabigat lamang ito sa kanilang pag-aaral at dagdag gastos para sa kanilang mga magulang. Dahilan din nang pagtutol sa ROTC ang karahasan at ang talamak na korapsiyon. Panghuling dahilan ay taliwas ito o laban sa kanilang relihiyon.
Binuwag ang ROTC noong 2008 nang isabatas ang NSTP. Naging voluntary ang ROTC. Isa sa mga dahilan kaya binuwag ang ROTC ay dahil sa pagpatay kay UST cadet officer Mark Wilson Chua noong 2001. Mga kapwa cadet officer ang pumatay kay Chua nang ibulgar ang corruption sa UST Corps of Cadet.
Hindi na kailangan ang ROTC dahil mayroong nang National Service Training Program (NSTP) na ginagawa ng mga estudyante sa kolehiyo. Maaring maulit ang karahasan at korapsiyon. Kahit sinabi ni Dela Rosa na babantayan ang ROTC, hindi ito garantiya. Huwag nang ipasa ang mandatory ROTC.
- Latest