Pati lupain natin inaasam ng China
Huwag magpalinlang sa Komunistang China. Hindi lang West Philippine Sea ang hinahangad nitong agawin. Habang nakatuon ang atensyon natin doon, ginagalugad ng China ang East Philippine Sea.
Mayaman sa minerals ang Benham Rise sa silangang dagat ng Luzon. Marami doong rare earth metals na pang modernong teknolohiya. Magagamit sa enerhiya, telecomms at armas.
‘Yon ang dahilan kaya sinasaliksik ng China ang Benham Rise. Pinapasok nila ‘yon nang walang pahintulot. Pinapangalanan sa wikang Chinese ang mga hugis sa ilalim ng dagat. Inaangkin nila ang mga ito dahil sila raw ang unang nagbansag. Labag ‘yon sa batas ng mundo.
Pinaplano rin ng China lupigin ang ating lupain. Halata ito sa maraming natiklong Chinese hideouts sa paligid ng Camps Aguinaldo at Crame at Fort Bonifacio. Nasabat doon ang mga armas, uniporme at papeles ng People’s Liberation Army. Ang mga nahuling Chinese ay bahagi ng mga PLA units sa pagmamanman, pag-machinegun, paglusob, logistics, atbp.
Ganundin sa mga ni-raid na POGO (Philippine Offshore Gaming Operator) hubs sa Porac, Pampanga at Bamban, Tarlac. Malapit ang dalawa sa Basa Airbase, Clark Airbase, Subic Naval Base, Camp Servillano Aquino, at Fort Magsaysay.
Nagkukunwaring estudyante sa kolehiyo ang mga espiyang Chinese sa Cagayan. Nagkukunwaring mga minero sa Zambales at Homohon Island, Eastern Samar. Nagkukunwaring mga negosyante sa Catanduanes. Pero sa hudyat ng Beijing sasabotahehin nila ang mga estratehikong pasilidad: kuryente, tubig, telecomms, pier. Susukubin pati Malacañang, Kongreso, at Korte Suprema.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest