‘Impeach Sara’ —Trillanes
Para kay dating Senador Sonny Trillanes, dapat nang gumalaw ang Mababang Kapulungan upang ma-impeach si Vice President Sara Duterte. Kapag hindi pa raw kumilos ang Kamara de Representante, siya na mismo ang maghaharap ng impeachment complaint sa Kongreso.
Aba e, talagang abot langit ang ngitngit ni Trillanes sa mga Duterte. Sa isang panayam ni Christian Esguerra na napanood ko sa YouTube, tinawag ni Trillanes si Sara na “misfit” at “may topak”. Siniguro ni Trillanes na mabibigat ang impeachable offenses ni Sara kasama ang plunder at pagkakasangkot sa droga.
Aniya, nasa first line of succession si Sara at kung may mangyari kay Presidente Bongbong Marcos, awtomatikong ito ang uupong Presidente. “Peligroso!” ani Trillanes.
Inililista pala ni Trillanes ang mga impeachable offense ni Sara lalo na ang malaking pondo na sa loob lang ng 11 araw ay nagastos ng Office of the Vice President sa hindi maipaliwanag na dahilan.
Pati nga ang panununtok ni Sara sa isang sheriff nang siya ay mayor pa ng Davao ay tinuran ni Trillanes. Sabi ng dating senator, masyado nang inalipusta ang Kamara de Representante sa aroganteng pagsagot sa mga katanungang dapat niyang sagutin para maaprubahan ang budget ng kanyang tanggapan.
Nang Presidente pa ang tatay ni Sara na si Rodrigo, nag-initiate na rin ng impeachment si Trillanes laban dito. Natural walang mangyayari dahil laging kakampi ng nakaupong Presidente ang House of Representatives. Dahil si Marcos ang Presidente, kakampi niya ang Mababang Kapulungan at malamang na mag-prosper ang impeachment laban kay Sara.
Ngunit matigas ang pagpapabulaan ng Kamara na may niluluto silang impeachment kay Sara. Dagdag ni Trillanes, kapag hindi pa kumilos ang Kamara, handang-handa siyang mag-file ng impeachment laban kay Sara. Abangan!
- Latest