Sinong tumulong kay Alice Guo?
DAHIL sa mga pahayag ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Senior Vice President Raul Villanueva na may dating PNP chief umano na tumulong kay Alice Guo para makatakas ng bansa, naglunsad ng imbestigasyon si PNP chief Rommel Marbil sa 24 na dating hepe ng PNP. Para malaman kung may tumulong nga kay Guo at kung sangkot sa mga iligal na POGO. Dahil wala silang natatanggap na matibay na ebidensiya hinggil sa mga pahayag ni Villanueva, nagdudulot ng dismaya sa hanay ng PNP.
Agad naman umalma at nagpahayag na wala silang kinalaman sa POGO kahit kailan sina dating PNP chief General Rodolfo Azurin Jr., General Benjamin Acorda Jr. at Sen. Bato dela Rosa. Hindi daw dapat nagbitaw ng salita si Villanueva nang walang matibay na ebidensiya pero nagpahayag na kinukumpirma pa raw nina Villanueva ang impormasyon.
Hinamon na pangalanan ang dating PNP chief na tinutukoy ni Villanueva pero sa ngayon ay wala pang balita riyan. Hindi ko naman alam kung may mangyayari sa imbestigasyon ni Marbil sa iba pang dating PNP chief. Kung may sangkot nga sa iligal na POGO ay dapat nahuli na iyan.
Bakit ngayon lang sinisiwalat ni Villanueva lahat iyan? Dahil ba nagpalit na ang administrasyon at ayaw ni President Ferdinand Marcos Jr. ang POGO? Kung hindi pala nag-utos na itigil na ang lahat ng POGO ay hindi lalabas ang impormasyong iyan?
At matagal na ring iniimbestigahan si Alice Guo at ang kanyang pagkakasangkot sa POGO. May lumalabas na balita na P200 milyon ang ibinayad umano ni Guo para makaalis ng bansa.
May ipinahayag naman si dating senador Panfilo Lacson na inalok ni Guo ang kaibigan niyang Pilipino-Chinese ng P1-bilyon para mawala na ang mga problema niya sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC). May koneksiyon umano ang kaibigan ni Lacson sa kasalukuyang administrasyon. Hindi raw tinanggap ang alok.
Pero makikita na sa Pilipinas, maaaring lahat ay may presyo. Dapat kaya tawagin ng Senado ang kaibigan ni Lacson para kumpirmahin ang mga inalok ni Guo?
Habang tumatagal, lumalabas kung gaano kahaba ang mga galamay ni Guo at ng kanyang mga ka-negosyo. Handang magbigay ng P1 bilyon para mawala na lang ang lahat ng kanyang problema. At may dating hepe ng PNP pa ngayon ang nasasama na sa usapan na hindi ikinatutuwa ng PNP.
Maraming kailangang magpaliwanag pero sa tingin ko ay wala namang aamin, hindi ba? Dapat kasuhan na si Guo para sa mga krimeng inaakusa sa kanya para umandar na ang proseso at hustisya. Kundi tatagal lang iyan.
Parang Pharmally. Ilang taon na, ngayon lang makakasuhan sina dating DOH Sec. Francisco Duque III at dating Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary Lloyd Christopher Lao. Nasaan ang magkapatid na Dargani at iba pang opisyal ng Pharmally?
- Latest