EDITORYAL - Nagkanlong kay Quiboloy, panagutin
MAGDADALAWANG linggo na ang nakalilipas mula nang maaresto (o sumuko) si Pastor Apollo Quiboloy, lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City. Bukod sa pastor, apat na iba pa ang naaresto. Kasalukuyan nasa PNP Custodial Center sa Camp Crame si Quiboloy. Nakaharap na siya sa dalawang korte na nag-isyu ng warrant of arrest. Kasong qualified human trafficking at child abuse ang sinampa sa kanyang mga kaso. Meron din siyang mga kasong kinakaharap sa U.S. Humihirit ang kanyang mga abogado na i-hospital arrest ang pastor subalit ibinasura ng korte.
Isang malaking katanungan ngayon ay kung mapapanagot ang mga taong nagkanlong kay Quiboloy sa loob nang maraming buwan? Maraming beses nang sinilbi ng PNP ang warrant of arrest sa kanya sa KOJC compound subalit nagmatigas ang kanyang mga supporters na papasukin ang mga maghahain ng warrant. Ikinakaila ng mga supporters na naroon si Quiboloy. Wala raw doon ang pastor kaya walang nagawa ang PNP.
Maski si dating President Rodrigo Duterte ay nagsabi na alam niya ang kinaroroonan ni Quiboloy pero hindi niya sasabihin ang kinaroroonan nito. At maging si Vice President Sara Duterte ay nagsabing nasa langit na raw si Quiboloy. Wala raw ito sa KOJC compound.
Pero nang lusubin ng may 2,000 pulis ang compound at halos dalawang linggong sinuyod—pati ang bunker —naaresto rin ang nagpakilalang “chosen son of God.”
Nasaan na ang mga nagkanlong sa kanya at tila wala nang gagawing hakbang ang PNP?
Sabi ng PNP tuloy ang pagsasampa nila ng kaso sa mga taong nagkanlong at kumupkop kay Quiboloy. Pananagutin umano ang mga ito. Inihahanda na raw ng PNP ang mga kasong isasampa sa mga nasabing indibidwal. Inatasan na ni PNP chief Gen. Rommel Marbil si Criminal Investigation and Detection Group Director Major General Leo Francisco na manguna sa isasagawang imbestigasyon at case build-up sa mga taong kumanlong kay Quiboloy.
Ayon kay Marbil, naniniwala sila na may mga close associates si Quiboloy na tumulong bukod pa sa ginawang panlilinlang umano ng mga legal representatives nito. Hindi raw nila ito-tolerate ang ginawang paghadlang o obstruction to justice ng mga taong ito. Hindi umano makakatakas sa batas ang lahat nang tumulong kay Quiboloy.
Panagutin ang mga taong kumupkop kay Quiboloy para maniwala ang taumbayan na lahat ay pantay-pantay. Walang makakatakas sa pag-uusig ng batas.
- Latest