EDITORYAL — Hindi sana inalis ang BRP Magbanua
KAHAPON may mga namataan nang Chinese Coast Guard (CCG) na aali-aligid sa Escoda Shoal. Nangyari ito, isang araw makaraang alisin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pinakamalaki nilang barko sa Escoda Shoal. Limang buwan na nagbantay ang Magbanua sa Escoda pero nagdesisyon ang PCG na alisin na ang nasabing barko. Pero mariing sinabi ng PCG na ang pag-aalis sa Magbanua ay hindi pagsuko o ipinauubaya na sa China ang pagmamay-ari sa Escoda.
Sinabi ni PCG spokesperson for West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na ang pag-aalis sa Magbanua ay dahil sa kawalan ng sapat na suplay ng pagkain at tubig ng 60 tripulante at ganundin sa pagkakasakit ng ilan sa kanila. Dahil umano sa kakulangan ng pagkain, pinagkasya nila ang nalalabing bigas sa loob ng ilang linggo. Para maraming makakain ay inilulugaw na lamang nila ito. Dahil sa kakulangan ng tubig, iniipon nila ang tubig mula sa aircon para may mainom. Marami umano sa mga tripulante ang dehydrated at nagkaroon ng high blood pressure. Isa rin umano sa dahilan kaya inalis ang Magbanua sa Escoda ay para kumpunihin ang tagilirang bahagi nito na nasira dahil sa pagbangga ng CCG noong Agosto. Dinala sa Escoda ang Magbanua noong Abril para magbantay sa isinasagawang reclamation ng China sa nasabing lugar.
Tiniyak naman ni Tarriela na magpapadala uli sila ng barko sa Escoda. Hindi naman sinabi ni Tarriela kung kailan magpapadala ng panibagong barko sa Escoda pero ito raw ay sa lalong madaling panahon. Pananatilihin umano ng Pilipinas ang presensiya sa pinag-aagawang teritoryo. Kamakalawa, iniutos ni President Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabantay sa Escoda at iba pang teritoryo sa West Philippine Sea.
Mas mainam sana kung hindi inalis ang Magbanua sa Escoda at nag-isip na lamang ng paraan ang PCG kung paano mahahatiran ng suplay ng pagkain at tubig ang mga tripulante. Dati namang nakapagbagsak ng pagkain at iba pang pangangailangan doon gamit ang eroplano. Bakit hindi ganun ang gawin? Nag-aalok naman ng tulong ang U.S. para eskortan ang PCG sa pagdadala ng suplay subalit tinanggihan.
Tiyak na haharangin ng CCG ang anumang pagtatangka ng Pilipinas na makapagpadala ng barko sa Escoda. Kung ang mas malayong Ayungin Shoal na kinaroroonan ng BRP Sierra Madre ay hina-harass ang mga nagdadala ng suplay ito pa kayang mas malapit na Escoda. Harinawa, magtagumpay ang PCG sa ipadadalang barko at huwag pinsalain ng CCG.
- Latest