P10 milyon natanggap na ni Yulo
MANILA, Philippines — Nadagdagan na naman ang kaban ni Carlos Yulo matapos nitong matanggap ang P10 milyon mula sa ICTSI kahapon sa Solaire sa Pasay City.
Ito ay bilang pabuya sa matamis na pagsungkit ni Yulo sa dalawang gintong medalya sa gymnastics competition — sa men’s vault at men’s floor exercise — sa Paris 2024 Olympics.
Personal na tinanggap ni Yulo ang tseke kasama sina Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino at Christian Martin Gonzalez na kinatawan ng ICTSI.
“Thank you to the ICTSI, Sir Ricky [Razon]. Thank you to POC president, Mayor Abraham Tolentino, and we are all hoping they will continue supporting us up to the next Olympics and overseas competitions,” ani Yulo.
Hindi lamang si Yulo ang masaya dahil binigyan din ng pabuya sina boxers Aira Villegas at Nesthy Petecio na parehong nakasikwat ng tansong medalya.
Nakatanggap sina Villegas at Petecio ng tig-P2 milyon. Uuwi rin na masaya ang mga non-medalists sa Paris Games dahil may tig-P200,000 cash bonus ang mga ito.
“Let us thank the ICTSI, Mr. Enrique Razon and Christian Gonzalez, for helping our athletes with these cash rewards. Our national athletes have performed their very best in the greatest show on earth at the Paris Olympics,” wika naman ni Tolentino.
Igiinit ni Gonzalez na malaki ang papel ng mga atleta at ng sports sa kabuuan sa bansa kaya’t patuloy ito sa pagsuporta sa mga Pnoy athletes sa mga susunod na panahon.
“It’s very important for us supporting our athletes, it’s very important for our country. It is something we wanted to do more because of all the hard work that you put in for the last eight or 12 years or your entire life,” sambit ni Gonzalez.
- Latest