UP sososyo sa liderato vs UE
MANILA, Philippines — Muling huhugot ng lakas ang University of the Philippines kay JD Cagulangan upang masungkit ang pangalawang sunod na panalo sa pagharap nila sa University of the East sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament na lalaruin ngayon sa Araneta Coliseum.
Magsisimula ang bakbakan ng UP at UE sa alas-6:30 ng gabi pagkatapos ng sagupaan sa pagitan ng National University at Far Eastern University sa alas-4:30 ng hapon.
Pakay ni Cagulangan at ng Fighting Maroons na sumiksik sa three-way tie sa top spot upang mapalakas ang asam nila na sumampa sa Final Four pagkatapos ng elimination round.
Tangan ng Fighting Maroons ang 1-0 karta, magkasalo sa tuktok ang defending champions De La Salle University Green Archers at University of Santo Tomas Growling Tigers na may tig-2-0 records.
Tumikada si JD Cagulangan ng 17 points, siyam na assists at pitong rebounds para sa UP nang katayin nila ang Ateneo, 77-61 noong Sabado para ilista ang 1-0 card.
Determinado si Cagulangan na ibalik ang korona sa kanilang bakuran para mabigyan nito si coach Goldwin Monteverde ng panibagong championship sa kanyang huling taon na paglaro sa collegiate.
Sa women’s division, tatangkain naman ng dating kampeon na NU Lady Bulldogs na sakmalin ang pangalawang sunod na panalo kontra sa FEU Lady Tamaraws sa alas-11:30 ng umaga.
- Latest