Sumuko o nasukol?
Iginigiit ng supporters ni Apollo Quiboloy na sumuko at hindi puwersahang inaresto ang pastor. Pero para sa administrasyon, “nasukol” ang religious leader at walang choice kundi sumama sa mga awtoridad na dumarakip sa kanya. Hindi na dapat pagtalunan ang isyung iyan.
Ang mahalaga, nasa kamay na ng mga awtoridad si Quiboloy at ito ang pinakamabuti para sa kanya dahil may tsansa na siyang ipagtanggol ang sarili sa mga demandang isinampa laban sa kanya ng mga dating miyembro: child abuse, human trafficking at iba pa.
Para sa akin, kung talagang kusang susuko si Quiboloy para sa kapakanan ng mga masusugid niyang tagasunod, dapat sa unang araw pa lang na isinilbi ang warrant of arrest sa kanya ay kusa na siyang sumuko. Lehitimo at naaayon sa proseso ng batas ang mga kaso laban sa kanya.
Pero halos isang buwan nang nag-stake out ang sanrekwang operatiba ng PNP, hindi siya matagpuan sa kanyang teritoryo. Nagtago imbes na sumuko sa batas at pinaligiran nang napakarami niyang tagasunod kaya nahirapan ang mga pulis na matunton siya.
Pero unawain na lang natin ang mga taong nagmamahal sa kanya na nasasaktang marinig na ang kanilang leader ay nasakote at iginigiit na ito’y sumuko. Sige, tanggapin na nating sumuko si Pastor para man lang maibsan kahit kaunti ang nasaktang damdamin ng mga tagasunod niya.
Ngayon, magsisimula nang uminog ang wheel of justice. Idalangin natin na makamit ang tunay na hustisya sa kasong ito.
- Latest