Ang ‘di pag-amin ay pag-amin na rin
WALANG mapipigang katotohanan mula sa taong determinadong magsinungaling. Ang tinutumbok ko ay ang pinakahuling pagdinig ng Senado sa sinibak na Mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo na matapos tumakas sa Pilipinas at madakip sa Jakarta, Indonesia ay muling iniharap sa Senado upang kunan ng testimonya sa kasong kinakaharap niya sa ilegal na operasyon ng POGO.
Bukod pa riyan ang kuwestyonable niyang pagkamamamayan dahil sa isang Philippine passport at Chinese passport na kanyang hawak. Kahit napatunayan ng mga forensic experts ng NBI na ang lagda niya at fingerprints ay katulad ng nasa kanyang ACR o Alien Certificate of Registration, pinipilit niya wala siyang dokumentong pinirmahan o nilagyan ng kanyang thumbmarks. Ang thumbmark ay hindi puwedeng magsinungaling. Ang totoo niyang pangalang Guo Hua Ping ay totoo na pilit niyang pinabubulaanan. All indicators point to the possibility na siya ay tunay na Intsik. Posibleng espiyang pakawala ng China na naniniktik sa ating Inang-bansa.
Sa iba pang mga katanungan ay iginiit niya ang karapatan niyang manahimik dahil may mga kaso na raw na isinampa sa korte laban sa kanya. Kahit sa mga tanong na wala namang incriminatory consequence ay ayaw niyang sagutin sa payo ng kanyang abogado.
Wala mang nakuhang impormasyon kay Guo, it is safe to assume, sa panig ng Senado na para na ring nasagot ang mga katanungan nito na makatutulong sa pagbuo ng batas upang higpitan ang requirements sa mga dayuhang naghahangad makakuha ng Filipino citizenship. Marahil, dapat lapatan ng pinakamabigat na parusa ang sino mang awtoridad na makikipagsabwatan sa dayuhan upang magtamo ng pagkamamamayan dahil Ito’y usapin na ng national security.
Kunsabagay, hindi kailangan ang bagong batas kung ang umiiral ay ipinatutupad nang maayos. Ngunit nakalulungkot na kapag sandamukal na salapi na ang umiiral, marami ang tumatalikod sa prinsipyo.
- Latest