Matigas pa rin
NAGMAMATIGAS pa rin si Alice Guo kahit nahuli na’t naibalik na sa Pilipinas. Nauubos na nga ang pasensiya ng mga senador. Iginiit ni Guo na siya ay Pilipino kahit malinaw ang ebidensiya na may pangalang Tsino at magulang mula China.
Tungkol naman sa kanyang pagtakas, kinumpirma niya ang mga unang ipinahayag ni Shiela Guo na sumakay sila ng yate, bangka at bapor patungong Malaysia.
Pero nagtikom-bibig nang itanong kung sino ang tumulong sa kanila. Ayon kay Guo may nagpasimula ng kanyang pag-alis ng bansa pero hindi ito pinangalanan sa Senado kundi isinulat ang pangalan sa papel.
Dahil sa pag-iiwas ng direktang sagot sa mga tanong ng mga senador, sinita muli ng Senado at inutos na doon na muna makulong. Pero dahil may arrest warrant din ang PNP kay Guo, sila pa rin ang may hawak dito.
Siguro ang importante ngayon ay nakakulong siya at hindi na makakatakas. Huwag lang patakasin. Sinibak na nga ni President Bongbong Marcos Jr. si Bureau of Immigration chief Norman Tansingco dahil sa pagtakas ni Guo.
Bagama’t walang pinangalanang opisyal ng gobyerno na tumulong umano sa kanya, si Tansingco ang unang ulo na gumulong.
Wala na raw tiwala si DOJ. Sec. Jesus Crispin Remulla sa pamumuno ni Tansingco. Kahit sinibak na, kailangan pa ring malaman kung may kinalaman nga siya sa pagtakas ni Guo.
Lumitaw naman ang pangalan ni Sual, Pangasinan Mayor Liseldo “Dong” Calugay. Tinanong ni Sen. Jinggoy Estrada si Guo kung magkasosyo sila ng mayor sa Alisel Aquafarm at kung may relasyon sila.
Parehong itinanggi ni Guo pero ipinaliwanag ni Estrada na ang pangalan ng korporasyong “Alisel” ay tila pangalan nilang dalawa. Wala pang pahayag si Calugay at may sakit daw. Madalas talaga na natataong may sakit ang taong pinapupunta sa Senado.
Sino nga ba ang malakas na koneksiyon o padrino ni Guo at kayang-kaya niyang paikutin ang Senado? Humiling ng executive session ang abogado ni Guo para magbigay umano ng mga detalye hinggil sa kanyang pagtakas pero tinanggihan ng Senado. Dapat malaman daw ng publiko ang lahat.
Kung ganun, ipaalam na rin sa publiko ang pangalan nang isinulat ni Guo, hindi ba?
- Latest