^

PSN Opinyon

‘Spaghetti wires’ sa Baguio City

GO NORTH - Artemio Dumlao - Pilipino Star Ngayon

HINDI na maganda ang Baguio City ngayon hindi tulad noon. Noong 1987 na nagkolehiyo ako sa University of the Philippines-Baguio, amoy Pino ang halimuyak ng kapaligiran noon. Habang naglalakad ako mula sa aming boarding house sa Engineer’s Hill, makapigil hininga ang magandang tanawin at pakiramdam ko, nakikipaghalikan ako sa hamog.

Noon, kapag nagagawi ako sa Session Road, hangang-hanga ako sapagkat mistulang paraiso ang pangunahing lansangan na nababalot ng hamog.

Ngayon ay mag-aapatnapung taon na akong naninirahan dito sa Baguio at ang mga nakita ko noon sa lungsod na ito ay hindi ko na makita ngayon. Malaki ang pagkakaiba ng Baguio noon sa Baguio ngayon.

Ngayon, ang dating amoy pino, nakakasulasok na amoy usok mula sa mga sasakyan na nagdudulot ng air pollution. Ang dating tanawing mala-paraiso na puno ng hamog, wala nang mabakas.

Ngayon, nagsala-salabat ang mga kawad ng telepono at cable TV. Nagmistulang sampayan na nakalaylay na lubhang delikado sa mga motorista at pedestrians. Ma­aring makaladkad ng mga malalaking sasakyan ang mga kawad at mabuwal ang mga poste at maging dahilan ng pagkawala ng kuryente.

Matagal nang nirereklamo ang “spaghetti wires” na ito sa mga telecommunication companies pero bingi at bulag ang mga ito. Wala silang pakialam kung may mangyaring aksidente dahil sa naglaylayang mga kawad.

Nagbigay ng tatlong linggong palugit si Baguio City Mayor Benjie Magalong sa mga telecom companies para alisin o ayusin ang mga nagsala-salabat at naglaylayang kawad. Banta ni Magalong, paglampas ng deadline, puputulin ng pamahalaang lungsod ang mga naglaylay na kawad ng cable TV at telepono.

Maganda, mabango at maaliwalas noon ang Baguio pero hindi na ngayon. Lalo pang pumangit dahil sa sala-salabat na “spaghetti wires”. Masamang tingnan.

* * *

Para sa reaksiyon, i-send sa: [email protected]

BAGUIO

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with