Beda sisimulan ang depensa kontra Lyceum
MANILA, Philippines — Nakatakdang depensahan ng San Beda University Red Lions ang kanilang korona sa paglarga ng NCAA centennial season men’s basketball tournament sa darating na Sabado sa Mall of Asia Arena.
Sasabak agad ang Red Lions kontra Lyceum Pirates sa alas-2:30 ng hapon.
Magmimistulang semifinals rematch ang bakbakan matapos kalusin ng Mendiola-based squad ang second-seeded noon na Pirates bago talunin ang No. 1 Mapua University Cardinals sa Championship round.
Umaasa si Lyceum coach Gilbert Malabanan na mas magiging mabalasik ang kanyang mga bataan at isipin na mababawian nila ang San Beda.
“Gusto naming makabawi sa mga pagkatalo namin nakaraang taon and it’s a great motivation,” ani Malabanan kahapon sa press conference sa Pasay. “I see our team as a very competitive team right now.”
Para kay San Beda coach Yuri Escueta, naniniwala siyang makikilatis agad ang tikas ng kanyang mga bataan laban sa LPU.
“Every time we play Lyceum, it’s always a challenge for us. We know how hard and well coach Gilbert prepares his team,” ani Escueta.
Isa pang rematch sa nakaraang taong semifinals ang magkakaldagan sa alas-5 ng hapon, ito’y ang Mapua at College of Saint Benilde.
- Latest