Pinay na janitor sa Hawaii nagsakripisyo para sa pamilya
Isa lang sa mga karaniwang migranteng Pilipino sa Maui, Hawaii ang 69 anyos na janitor na si Edralina Diezon. Green card holder siya sa Hawaii na isang estado ng Amerika pero habang nandoon siya, patuloy niyang sinusuportahan ang kanyang mga anak at apo na naiwan niya sa Pilipinas. Ordinaryo lang ang buhay niya sa nagdaang siyam na taong pananatili sa Hawaii bago sumiklab ang malaking sunog na lubhang sumalanta sa buong Maui noong Agosto 8-9, 2023. Dito naging delubyo ang buhay niya.
Ayon sa isang artikulo ni Erika Hayasaki sa New York Times at dinampot din ng Daily Mail nitong nakaraang buwan, nasa Pilipinas pa si Diezon, namatay noong 2014 sa sakit na colon cancer ang kanyang asawa na siya lang pangunahing bumubuhay sa kanilang pamilya. Hindi malinaw kung paano siya nagkaroon ng green card o paano ang naging buhay niya noon sa Pilipinas pero bandang 2015, makaraang makatanggap siya ng green card, lumipad siya mula Maynila patungo sa Maui na pinaninirahan din ng isa niyang kapatid na lalake. Tila edad 61 anyos na siya nang panahong iyon. Nanirahan siya sa isang paupahang bahay na pag-aari ng kanyang kapatid na isa ring taxi driver sa Maui, na isang tourist spot sa Hawaii. Kasama ang apartment na ito sa libu-libong bahay at gusali na winasak ng wildfire noong nakaraang taon.
Pagdating ni Diezon sa Maui, namasukan siya sa isang cleaning service at nag-recycle ng mga lata bilang sideline. Nagkatrabaho siya roon kahit isa na siyang senior citizen. Kumikita siya nang $15 kada oras sa dalawa o tatlong trabaho na pinapasok niya. Kahit maliit lang ang kinikita niya, nakakapagtabi naman siya ng pera na sapat para makapagpadala ng $500 hanggang $1,000 tuwing ikalawang linggo sa kanyang apat na anak at anim na apo sa Pilipinas. Nakatulong ang kanyang sinasahod para maipaayos ang kanilang bahay sa Pilipinas at patuloy na makapag-aral sa eskuwelahan ang kanyang mga apo. Tuwing ikatlong buwan, pinapadalhan niya ang mga ito ng anumang mga bagay tulad ng mga damit, pabango, handbag at pagkain. Nagtatrabaho na siya noon bilang janitor nang 80 oras kada linggo sa Lahaina Gateway Shopping Center sa Lahaina na isa sa mga mataong lugar sa Maui.
Habang nagaganap ang sunog sa Maui noong Agosto 8-9, 2023, halos napapaligiran na ng apoy ang Lahaina Gateway Shopping Center. Nagtago si Diezon sa isang bodega ng mga basahan, timba at walis. Dalawang araw siyang nagkulong dito kaya, nang lumabas siya, gutom na gutom at litong-lito siya. Nang makarating siya sa kanyang inuuwian, naglaho na ang bahay na tinitirhan niya at ng mga kapitbahay niya. Ilang oras siyang nagpalaboy-laboy sa mga abandonadong kalye hanggang sa makita siya ng isang pulis na nagdala sa kanya sa hotel ng Royal Lahaina Resort and Bungalows na nagsilbing evacuation center ng mahigit isang libo sa 8,000 residente na nawalan ng tahanan. Napaulat na 102 ang nasawi sa sunog na kinabibilangan ng ilang Pilipino at marami ring Pilipino sa mga nasugatan at nawalan ng bahay at trabaho.
Nagmistulang ghost town ang Lahaina. Walang bumibiyaheng bus. Sarado ang mga abandonadong tindahan. Madalang ang mga empleyado at kustomer na pumapasok sa Lahaina Gateway pero, araw-araw, pumupunta rito si Diezon para ipagpatuloy ang kanyang trabaho bilang janitor bagaman walang katiyakan kung saan siya uuwi.
Tulad ng ibang mga nakaligtas sa sunog, nagpalipat-lipat at pumipila siya sa iba’t ibang organisasyong nagbibigay ng tulong sa mga nakaligtas sa sunog. Wala rin siyang mga kailangang insurance at ilang mga identipikasyong hinihingi ng ilang mga organisasyon. Hindi naman niya maiwan ang kanyang trabaho. Naging napakahirap at mapanganib ang pagbabago sa buhay niya.
Malapit lang ang bahay ni Diezon sa Lahaina Gateway kaya wala pang isang milya ang nilalakad niya tuwing papasok at uuwi siya mula sa trabaho bago nagkasunog. Pero, pagkatapos ng sunog, naging malaking problema ang transportasyon. Apat na milya ang layo ng Royal Lahaina Hotel sa shopping center na matatagpuan sa Honoapiilani Highway na lubhang mabibilis ang takbo ng mga sasakyan at mapanganib daanan. Kailangan niyang maglakad papasok sa trabaho o uuwi sa hotel o makiangkas sa mga motorista kahit gabing-gabi na. Isang 43 anyos na litratistang Pilipinang si Portia Marcelo ang nakilala niya at isa sa nagpasakay sa kanya sa sasakyan nito bandang Setyembre ng nakaraang taon.
Pagsapit ng winter, marami nang shop ang nagbukas sa Gateway at nagsimula nang bumiyahe ang mga pampasaherong bus. Karaniwang alas-8:00 ng gabi natatapos ang trabaho ni Diezon na siya ring oras ng pagtigil ng biyahe ng mga bus. Kung wala siyang maaabutang bus, kailangan niyang maglakad o makisabay sa ibang may sasakyan pauwi sa hotel.
Pagdating ng Spring, ang mga evacuees/ survivor ay sinabihang kailangan na nilang umalis sa Royal Lahaina pagdating ng summer. At dahil malubha ang kakulangan ng mga bahay sa Lahaina, may mga survivor na kailangang tumira sa malalayong lugar. Problema ito kay Diezon dahil kung aalis siya sa Lahaina, mawawalan siya ng trabaho.
Noong Abril 1, 2024, kahit nasa kagipitan, nakapagpadala pa si Diezon ng $300 sa anak niyang si Eden Diezon Balobo sa Maynila. Noong gabi ng Abril 3, 2024, lumabas si Diezon sa kanyang trabaho para umuwi sa hotel. Madilim sa paligid. Itim ang kanyang damit. Hindi niya suot ang kanyang white-flower-printed Hawaiian shirt uniform. Sinasabing, dahil marahil para makahabol siya sa last trip ng bus, tumawid siya sa Honoapiilani Highway pero nasagasaan siya ng kotse bandang alas-8:15 ng gabi. Namatay siya tatlong araw bago sumapit ang kanyang ika-70 kaarawan.
Nangalap ng pondo ang pamilya ni Diezon para maiuwi mula Hawaii at maipalibing ang kanyang bangkay sa Pilipinas pero $475 lang ang nakuha nila. Pero natuklasan ng kanyang kapatid noong Mayo na meron siyang savings account na nagkakahalaga ng $19,000. Sapat ito para maihatid at maipalibing ang kanyang bangkay sa Maynila. Dumating ang kanyang labi sa Pilipinas noong Hunyo 11 at nailibing siya noong Hunyo 17.
Sabi ng kanyang pamilya sa Ingles, “Siyam na taon na ang nakakaraan nang magtungo si Edralina sa Maui dahil sa pangarap niyang mabigyan ng mas magandang buhay ang kanyang pamilya. Nagpakasipag siya, isinakripisyo ang sariling kaginha-wahan para masuportahan ang kanyang mga anak at bigyan sila ng mga oportunidad na naging mailap sa kanya.”
* * * * * * * * * * *
Email- [email protected]
- Latest