Gen. Torre at Mayor Baste, peace na ba?
HINDI naging sagabal ang kaso ni Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy sa kampanya ni PRO11 director Brig. Gen. Nicolas Torre laban sa droga at kriminalidad. Habang patuloy ang paniniktik ng mga tauhan ni Torre sa compound ni Quiboloy, walang humpay naman ang pagkilos ng mga tauhan niya para panatilihing matahimik at mapayapa ang kanyang hurisdiksiyon.
Sa mga unang araw ng pag-upo ni Torre sa PRO11 noong Hunyo 16, naging kontrobersiyal ang pagdating niya dahil sa pag-reshuffle ng mga opisyales ng pulisya na ikinagalit ni Davao City Mayor Baste Duterte. Kaya lang nitong nagdaang mga araw, tahimik na si Boss Baste tungkol kay Torre. Peace na sila? Ano sa tingin n’yo mga kosa? Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Teka nga pala, sa kampanya laban sa droga, nakalikom na ang mga tauhan ni Torre ng 4,145 grams ng shabu na nagkakahalaga ng P28 milyon. Idagdag ko pa ang isinuko ng negosyanteng si alyas Jose na mahigit kalahating kilo na nasa P6.9 milyon at ang nakumpiska kay alyas Dadang na may presyong P3.4 milyon.
Naaresto rin si alyas Dennis na top 3 sa City Level at alyas Gar na top 1 sa Regional level na mga drug personality. Sa parte naman ng most wanted persons, may 189 katao ang inaresto sa PRO11, at 363 naman ang mga wanted persons, kasama na si Ronel Congayo, alias Loloy na top 2 MWP sa regional level. Ang sakit sa bangs nito!
Inaresto rin ng mga bataan ni Torre si Paulene Chavez Canada, na isa sa mga co-accused ni Quiboloy. Si Quiboloy at iba pang akusado ay nagtatago pa at ‘yan ang isa sa pinagkakaabalahan ngayon ni Torre at iba pang law enforcement agency.
Teka, teka, masaya namang ibinalita ni kosang Gracia na ibinando ng NBI sa Region 11 na nasa custody na nila ang apat pang akusado ni Quiboloy. Anyare? Nawalang parang bula?
Basta ang sigurado lang diyan, patuloy lang ang paghabol ni Torre kay Quiboloy dahil malakas ang paniniwala niyang nasa 30 hectares compound lang niya ito nagtatago. Eh di wow! Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Ang pinaka sa accomplishments ni Torre ay ang pagkaaresto sa mga nagbebenta ng smuggled cigarettes, kung saan nalulugi ang gobyerno dahil hindi nagbabayad ng buwis ang mga ito. Di ba boss Sakur?
Inaresto ng nakaraang linggo ng mga operatiba ni Lt. Col. Rolando Lorenzo, chief RSOG ng PRO11 si Allan Cosal Jr., 30, sa checkpoint operations, kasama ang Buhangin police station. Nakumpiska kay Cosal ang 8,500 reams o 170 master cases ng iba’t ibang uri ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P2 milyon.
Kasama sa inaresto ni Lorenzo ang mga Chinese nationals na sina Pan Zhan Zan, 51, at Dehong Qi, 37. Sa Sasa, Davao City naman, nakumpiska ng RSOG at local police station ang 3,750 reams ng assorted cigarettes na may halagang P1.76 milyon sa isang raid sa warehouse sa naturang munisipalidad. Dipugaaa!
Kaya sa mga residente ng Region 11, kahit anong kaguluhan pa ang nangyayari dahil sa pag-hunting kay Quiboloy at bangayan ng mga pulitiko, ang kainaman diyan ang kapakanan n’yo ang nasa isipan ni Torre. Sanamagan! Abangan!
- Latest