EDITORYAL - Dapat lang sibakin mga nagpabaya sa tungkulin
Nararapat lang ang ginawa ng Department of Transportation (DOTr) na pagsibak sa mga opisyales ng Maritime Industry Authority (MARINA). Kung tutuusin, dapat noong isang taon pa sila inalis sa puwesto dahil sa masamang pangangasiwa at pagpapabaya sa tungkulin makaraang lumubog ang MT Princess Empress noong Pebrero 2023 sa karagatang sakop ng Naujan, Oriental Mindoro. Dahil sa paglubog ng tanker, natapon ang 800,000 litro ng langis sa karagatan at naapektuhan ang kabuhayan ng mga mangingisda sa maraming bayan sa Oriental Mindoro na ang pinakagrabeng tinamaan ay ang Pola. Hanggang ngayon, hindi pa nakababangon ang Pola sa pinsala ng oil spill. Nasira ang kanilang turismo. Hanggang ngayon, tumatagas pa ang langis sa tanker.
Ipinag-utos ni DOTr Secretary Jaime Bautista ang pagsibak sa mga opisyales ng MARINA Region V na sina Director Jaime Bea at Engr. Jose B. Buban. Ayon kay Bautista, napatunayang guilty sa grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the best interest of service sina Bea at Buban na may kaugnayan sa paglubog ng Princess Empress.
Ayon kay Bautista, nagdulot ng milyong pisong pinsala sa pamahalaan at private stakeholders at nagresulta rin upang madungisan ang imahe at integridad ng maritime administration ang ginawa ng dalawang opisyales. Agarang ipinatupad ni Bautista ang pagpapatalsik sa dalawa. Magsilbing babala sa iba pang MARINA officials ang nangyari.
Ayon sa report, umaabot na sa P41 bilyon ang pinsala ng oil spill sa Oriental Mindoro. Ito umano ang pinakamalaking pinsala ng oil spill sa kasaysayan ng bansa. Ayon sa mga eksperto, matatagalan pa bago tuluyang maalis ang nakakapit na langis lalo pa’t mayroon pang tumatagas sa tanker. Kung sa dalampasigan ay bakas ang langis, tiyak na mayroon din sa corals na tirahan ng mga isda.
Sa kabila naman na naalis na sa tungkulin ang MARINA officials, nanatili namang walang hatol sa mga may-ari ng Princess Empress. Ayon sa mga isinagawang imbestigasyon, hindi kargahan ng langis ang Empress at ni-repair lamang sa isang shipyard sa Navotas. Hanggang ngayon din, wala pang natatanggap na kabayaran ang mga mangingisda sa Oriental Mindoro na naapektuhan ng oil spill.
Kamakailan, isang tanker din ang lumubog sa karagatan ng Bataan at nagtapon din ng langis. Pero sabi ng Philippine Coast Guard (PCG) nakontrol na ito. Nararapat maimbestigahan kung paano nakaalis sa port ang tanker gayung masama ang panahon. May kaugnayan din kaya ang MARINA sa kasong ito?
- Latest