EDITORYAL — Kalidad ng edukasyon nararapat maibalik
HINDI naman dating nangungulelat ang mga Pilipinong estudyante sa larangan ng Math, Science at Reading. Katunayan, nangunguna noon ang mga Pilipinong high school students sa pakikipagkumpetensiya sa mga estudyante sa karatig bansa sa Asia sa larangan ng Science. Nag-uuwi sila ng mga medalya at nagbibigay ng karangalan sa bansa. Kahit ang mga estudyanteng Pinoy sa elementarya ay nakikipagpaligsahan din at nangunguna sila.
Pero nabaliktad ang mga pangyayari sapagkat napag-iiwanan ang mga Pilipinong estudyante sa high school. Nakadidismaya na maraming junior high school students ang walang nalalaman o bagsak sa mga asignatura at hindi nakaabot sa hinihingi o required na proficiency levels. Kalahati sa junior high school students ay bagsak. Ayon din sa report, kalahati ng grade 6, 10 at 12 students ay bumabagsak.
Sa resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), ang mga Pilipino students ay nakakuha lamang ng 355 points sa math, 356 sa science at 347 sa reading. Para makapasa, kailangang ang score ay: 472 sa math; 485 sa science at 476 sa reading. Masyadong mababa ang nakuha ng mga Pilipinong estudyante kumpara sa mga estudyante ng Singapore, Hong Kong, Japan, Korea, Macao, Ireland, Estonia, at Chinese Taipei na mataas ang nakuhang puntos.
Bagsak din ang mga Pinoy students sa creative thinking assessment na isinagawa rin ng PISA noong 2022. Ikalawa sa kulelat ang mga estudyanteng Pinoy sa 64 na bansang sumailalim sa assessment.
Balak ni DepEd Secretary Sonny Angara na magdebelop ang mga eskuwelahan ng mga examinations na katulad ng PISA para masubukan ang kaalaman ng mga estudyante sa problem solving at reading comprehension. Ayon kay Angara sa pamamagitan ng examinations ay mahahasa ang talino ng mga bata at maaari itong iaplay sa totoong sitwasyon ng buhay.
Maganda at makabuluhan ang balak ni Angara para mahasa ang talino at creativity ng mga Pilipinong estudyante sa pamamagitan ng examinations na kagaya ng PISA. Dapat isagawa ito upang marekober ang nawawalang kalidad ng edukasyon.
Kasabay sa isasagawang eksaminasyon, isakatuparan din naman ni Angara ang pagha-hire sa mga mahuhusay na guro para magabayan ang mga estudyante. Lutasin din ang problema sa nagsisiksikang mga estudyante sa classroom. Dahil sa sobrang dami (umaabot sa 50 students sa classroom), hindi na makapag-concentrate ang mga estudyante. Malaking bagay kung matutugunan ni Secretary Angara ang mga problemang nabanggit upang marekober ang nawalang kalidad ng edukasyon.
- Latest