^

PSN Opinyon

Student Visa: Magtatrabaho habang nag-aaral sa abroad?

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Student visa ang isa sa mga pangunahing dokumentong kailangan para makapunta at makapag-aral sa ibang bansa.  Ito ang isa sa kailangang makuha muna ng mga estudyante na nakakakuha ng scholarship o nagkakaroon ng oportunidad na makapasok sa isang dayuhang eskuwelahan, kolehiyo o pamantasan. May kanya-kanyang regulasyon, patakaran, paghihigpit at limitasyon  ang bawat bansa sa mundo sa pag-iisyu ng student visa sa mga dayuhang estudyante.

Kadalasan, sa pangkalahatan, hindi  puwedeng gamitin ang student visa sa paghahanap at pagkuha ng trabaho sa ibayong-dagat. Hindi ito tulad ng work permit. Pero may mga pagkakataon na pinapayagan ang isang dayuhang estudyante na kumuha ng part-time job pero sa loob ito ng pinapasukan niyang eskuwelahan para matustusan ang iba niyang pangangailangan habang nag-aaral. Marahil, isa ito sa butas na nakikita ng ilang mga illegal recruiter para makapanloko ng mga Pilipinong naghahanap ng trabaho sa ibang bansa. Pag-aaplayin nila ng student visa ang biktima kahit wala naman itong maaasahang lehitimong trabaho. At paano siya maiisyuhan ng student visa kung wala siyang mga rekisitos na kailangan para matanggap sa isang dayuhang eskuwelahan?  Dito pa lang ay dapat nakakahalata na ang isang overseas job applicant  para hindi masayang ang kanyang pera, oras at pagod at hindi siya maharap sa anumang problema kinalaunan.  Marami nang Pinoy ang nabiktima ng ganitong modus operandi.

Ayon sa VisaGuide.World,  kabilang sa karaniwang mga patakarang ipinapatupad sa student visa ang pagdalo sa lahat ng klase sa esuwelahan (maliban sa emergency), maaari kang magtrabaho sa loob ng pamantasan pero limitado ang oras o 20 oras kada linggo, dapat makapagmintina ka ng isang specific GPA kung meron kang scholarship, hindi ka maaaring tumagal sa bansa kapag napaso ang iyong visa,  at hindi ka maaaring mag-aplay ng permanent residence  sa ilalim ng student visa.

Bago makakuha ng student visa, dapat enrolled ka na sa isang valid study program sa isang pamantasan sa ibang bansa. Dapat magsumite ka muna ng application para sa napili mong study program o kurso.

Kabilang sa karaniwang mga dokumentong kailangan sa pag-aaplay ng student visa ang Passport (with six-month validity), student visa application form na kadalasang makukuha sa embahada o konsulado ng pupuntahang bansa, passport pictures, Proof of Admission (admission letter o enrolment record na nagpapakitang natanggap ka sa isang study program sa destinasyon mong bansa), Evidence of financial means (katibayang meron kang panggastos para sa iyong sarili habang nag-aaral o financial statement ng pamilyang sumusuporta sa iyo o scholarship), Civil documents (birth certificate, marriage certificate kung may asawa at CV),  International student health insurance pero depende ito sa dadayuhing bansa, at previous university records.

May kanya-kanya ring patakaran ang mga bansa sa mundo sa mga dayuhang estudyantenng gustong magtrabaho habang nag-aaral. Pero may mga patakarang pabago-bago kaya dapat laging inaalam ito ng estudyanteng mag-aaral sa ibayong-dagat pero gustong magkaroon ng sideline o pansamantalang trabaho para kumita habang nag-aaral.

Halimbawa, ayon sa Studee, sa United States of America ay maaari kang magtrabaho sa loob ng pinapasukan mong pamantasan sa unang taon mo rito hangga’t meron kang F1 student visa.  Puwede kang lumipat ng ibang trabaho sa labas ng eskuwelahan sa pangalawang taon.  Walang limitasyon sa oras ng trabaho.

Nabatid din sa Studee na sa United Kingdom, maluwag ito sa mga dayuhang estudyante mula sa mga bansa sa Europe na gustong magtrabaho habang nag-aaral.  Sa mga hindi nagmula sa Europe,  ang mga estudyanteng merong tier 4 student visa ay maaaring magtrabaho nang 20 oras kada linggo.

Kung mag-aaral ka sa China, dapat meron kang China student visa at permiso mula sa Chinese immigration authorities kung gusto mo ring magtrabaho habang nag-aaral roon.

Ang mga full-time student na enrolled sa isang pamantasan sa Canada ay maaaring magtrabaho sa labas ng eskuwelahan nang hanggang 20 oras kada linggo. Ipinahihiwatig sa iyong Canada study permit ang mga karapatan mo sa trabaho.

Sa Australia naman, ang mga gumagamit ng student visa ay makakapagtrabaho nang walang limitasyon kapag panahon ng bakasyon sa pamantasan o 40 oras per fortnight in term-time.

Maaari ring magtrabaho habang nag-aaral sa France, Russia, Germany, Spain at New Zealand pero limitado rin ang oras. Kung magtatrabaho ka sa Japan habang nag-aaral doon, kailangang mag-aplay ka ng hiwalay na work permit pero limitado ang uri ng trabahong puwedeng pasukan.  Bawal magtrabaho sa mga bar o arcades.

Maaari ring kumuha ng part-time job habang nag-aaral sa  Belgium, Czech Republic, Finland,  Hungary, Lithuania, Malaysia, Morocco, Netherlands, Sweden, Switzerland, Ireland at Italy.   Bawal magtrabaho habang nag-aaral sa Costa Rica, Cyprus (maliban sa mga taga-Europe), Lebanon, at India.

Payo naman ng Studee sa mga mag-aaral pero gusto ring magtrabaho sa ibang bansa, iprayoridad ang pag-aaral kung gustong makagradweyt. Huwag hayaang makasira sa pag-aaral ang part-time job, tiyaking nagtatrabaho ka nang legal para hindi magkaproblema, huwag ubusin sa trabaho ang mga libreng oras, subukan na ang aaplayang trabaho ay iyong merong kaugnayan sa kinukuha mong kurso at iwasang tumanggap ng trabaho na magiging miserable lang ang buhay mo at sisira lang sa karanasan mo bilang etudyante.

* * * * * * * * * *

Email- [email protected]

vuukle comment

OFW

STUDENT

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with