Empleyado, inaresto matapos magsimula ng sunog para mag-alisan ang maraming customer sa pinagtatrabahuhang fastfood!
Isang empleyado ng fastfood restaurant sa Georgia, U.S.A. ang nahaharap sa pagkakakulong matapos nitong silaban ang basurahan para magsialisan ang napakaraming customers!
Noong Abril 2023, naging busy ang fastfood kung saan nagtatrabaho ang 34-anyos na si Joshua Daryl McGregor na nasa Montgomery Ave. sa Savannah, Georgia. Busy noon at bukod sa puno ito ng mga dine in customers, dagsa na rin ang mga kotse na nakapila sa drive-thru kaya gahol ang mga crew sa paggawa ng mga order na pagkain.
Nagti-training na noon na maging branch manager si McGregor kaya doble ang pressure sa kanya na maging maayos ang pamamalakad sa kanyang mga kasamahan. Nang makita niya na nagiging dahilan na ng traffic sa kalsada ang mga nakapila sa drive-thru, naisipan niya na silaban ang dumpster o basurahan sa labas ng restaurant para umalis na ang mga nakapilang sasakyan.
Gamit ang isang karton, sinindihan niya ito at itinapon sa dumpster. Dahil puno rin ito ng mga karton, mabilis itong nagliyab at gumawa nang malaking apoy. Kinunan pa niya ito ng video bago bumalik sa loob ng restaurant.
Sa sobrang lakas ng apoy, natupad ang kagustuhan ni McGregor na umurong at magsialisan ang mga nakapila sa drive-thru. Rumesponde roon ang Savannah Fire Department at mabilis naapula nila ang apoy bago pa ito makaabot sa mismong restaurant. Matapos ang insidente, ipinasara pansamantala ang restaurant upang makasigurado na ligtas ang buong lugar.
Sa imbestigasyon ng mga pulis, nabisto na si McGregor ang may kagagawan ng sunog sa pamamagitan ng CCTV camera. Kinasuhan si McGregor ng arson at nito lamang nakaraang buwan ay hinatulan siya ng limang taong pagkakakulong. Pinagbabayad din siya ng danyos sa nasirang property sa ginawa niyang sunog. Maaari rin siyang sumailalim sa three years of supervised released pagkatapos ng kanyang sentensiya.
- Latest