Walang maiiwan
NANLUMO ako na may halong matinding galit sa nabalitaan kong naganap sa San Juan City Pound noong kasagsagan ng bagyong Carina. Iniwan ang mga nakakulong na aso’t pusa nang magsimula nang tumaas ang tubig-baha. Hindi man lang pinakawalan para maisalba sila. Walong pusa ang namatay sa nasabing compound. Naisalba naman nila ang 20 aso at walong pusa. Hindi ko maisip ang kahirapang naranasan ng walong pusang pinabayaan na lang malunod.
Nangako naman daw ang lokal na pamahalaan ng San Juan na iimbestigahan ang insidente at parurusahan ang mga tumalikod sa kanilang responsibilidad. Malinaw ang krimeng naganap. May batas laban sa pagmaltrato sa mga hayop. Kaya dapat paspasan ng gobyerno ng San Juan ang imbestigasyon at alamin ang nasa likod ng krimen. May kulong na hindi bababa ng anim na buwan at hindi hihigit ng dalawang taon ang mga lalabag sa Republic Act 8485 o ang Animal Welfare Act of 1998. Napakalupit naman ng mga tauhang nang-iwan na lang sa mga aso’t pusang nakakulong sa San Juan City Pound. Sana mahuli na silang lahat at sila naman ang ikulong.
Alam ng lahat ang adbokasiya ko na iligtas at tumulong sa mga aso’t pusa. Dapat maging babala na ito sa lahat ng siyudad na may city pound na alagaan ang kanilang mga hayop kahit nakakulong. Hindi sila dapat pinababayaan. Maraming grupo ang nag-aalaga at tumutulong sa hayop na walang tahanang mauuwian. Maaari silang makipag-ugnayan sa mga ito para sa karagdagang tulong. Maraming siyudad ang may mga bangka na para handang tumulong sa mga maaapektuhan ng baha. Isama na rin dyan mga hayop, na siyang ginawa naman ng ibang tao. Walang maiiwan, ika nga.
May video sa social media ng isang naka jetski sa baha. Sana ginamit niya para makatulong at hindi para maglaro lang at ipakita sa lahat na may jetski siya. Napailing na lang talaga ako nang mapanood ko ang video. Siguradong may mga bagyo pang tatama sa bansa. Nasa katapusan pa lang tayo ng Hulyo. Kapag pumasok na nga ang “Ber Months”, dito na kadalasang dumadating ang mga malalakas na bagyo. Sana naman hindi. Kinumpara ang bagyong Carina sa Ondoy kung saan halos pareho ang dami ng ulan na bumagsak. Huwag na sanang sundan. Sanay naman tayo kapag panahon ng tag-ulan, pero may mga bagyo na talagang wala tayong kalaban-laban. Dapat magtulungan na lang kung saan pati mga hayop na wala ring laban ay tutulungan.
- Latest