Ikatlong SONA
NAGANAP ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni President Bongbong Marcos Jr. noong Lunes. Unang pinag-usapan ang mga problema at isyu hinggil sa agrikultura. Presyo ng bigas, importasyon nito, irigasyon pati na rin ang tulong sa mga magsasaka. Malaking sektor ang agrikultura sa bansa kaya ito ang unang tinalakay ng Presidente.
Sinundan nito ang isyu ng climate change kung saan suportado ng bansa. Pagkatapos ay pinag-usapan ang pagpapaganda ng internet sa buong bansa, imprastraktura partikular mga kalsada at tren, paliparan at daungan. Tinalakay rin ang mataas na kuryente at kakulangan nito. Tinalakay rin ang kalusugan, murang gamot, pagtaas ng PhilHealth benefits, pagsasaayos ng UP-PGH.
Kapuna-puna rin ang pahayag ng Presidente na hindi eksterminasyon ang sagot sa problema ng iligal na droga. Nagtamo ito ng masigabong palakpakan na may konting sigaw pa. Nagtamo naman nang matagal na palakpakan at standing ovation ang pahayag ni Marcos Jr. na “Ang West Philippine Sea ay hindi kathang-isip natin lamang. Ito ay atin.”
Pero naging mas malakas ang palakpakan at standing ovation at may sumigaw pa ng “BBM” ng ipahayag ni Marcos na simula ngayon, lahat nang POGO ay ipagbabawal na. Sabi ni Marcos, masyadong maraming kasamaan ang dinala na ng POGO sa bansa.
Hindi dumalo sina Vice President Sara Duterte, Senators Bong Go at Bato dela Rosa, mga kilalang tagasuporta ng dating President Duterte. Tila tapos na nga ang unity. Matatandaan na ang pagpatay ng mga sangkot sa iligal na droga, paglapit nang husto sa China at pagpasok ng mga POGO sa bansa ay naganap sa ilalim ng Duterte administration.
Ayon sa DOLE, mga 25,000 Pilipino ang apketado kung mawawala na ang mga POGO. Kaya inatasan ni Marcos ang DOLE na tulungan ang mga apektado. Hindi rin daw agad-agad ang pagsara ng nga POGO, ayon kay Pagcor Chairman Alejandro Tengco. May proseso at dapat masabihan na ang mga apektado. Ayon sa Pagcor, 40,000 ang apektado at P40 bilyon na taunang kita ang mawawala. Ang Pagcor ang may gusto sanang manatili ang mga ligal na POGO dahil umano sa pondong nakukuha sa pamamagitan ng buwis. Kung nagbabayad? Suportado naman ng DOF, DBM, NEDA at marami pa ang pagbawal na sa lahat ng POGO.
Kung may mga humanga sa SONA ni Marcos, natural may mga hindi natuwa. Hindi naman mawawala iyan, lalo na sa mga kilalang oposisyon sa gobyerno. Pero ganun na nga, natapos ang kanyang ikatlong SONA. Nasa gobyerno na kung maipatutupad ang lahat ng kanyang ipinahayag.
Sigurado nagbabantay ang mamamayan sa mga pangako niya, pati rin sa mga ipinahayag na kaunlaran sa lahat ng sektor. Tanging ang mamamayan ang magsasabi kung natupad nga ang mga pangako.
- Latest